Mangyayari nga kayang masaid ang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)? Posible, pero aabutin ito ng 128 taon.
Sa press briefing nitong Lunes, muling iginiit ng PhilHealth na hindi ito nalulugi, gaya ng naiulat kamakailan.
Sa pagkakataong ito, ibinunyag ng PhilHealth na may nakareserba itong P127 bilyon pondo sa kasalukuyan.
“Ang pondo, alam natin sa huling presscon madaming balita noon [na] malulugi na raw ang PhilHealth, [pero] sabi nga natin, kung tutuusin, hindi naman. Dahil ang pondo natin ngayon, ang reserve natin ay higit-kumulang mga P127 billion sa ngayon much more than enough for the year,” sabi ni PhilHealth President-Chief Executive Officer Alexander A. Padilla.
Sinabi ni Padilla na nagawa rin ng PhilHealth na mamuhunan at iginiit na aabutin pa ng mahigit 100 taon bago tuluyang masaid ang pondo ng ahensiya.
“Sinabi nga natin dati [noong tinanong] kung totoo na nalugi tayo ng isang bilyon noong taong 2015, na hindi naman dahil nagkaroon tayo ng mga investment. Kung ganoon man it will take 128 years bago maubos ang pondo,” ani Padilla.
Matatandaang ilang buwan na ang nakalipas nang kumalat ang ulat na tatagal na lang ng kalahating taon ang pondo ng PhilHealth dahil sa pagkakabaon sa utang, ngunit agad itong pinabulaanan ni Padilla.
“Walang kinatatakutan na mababawasan o mawawalan [ng pondo] despite na paparami nang paparami, palaki nang palaki ang aming pondong ibinabayad pagdating naman sa benefits,” sabi ni Padilla, at inilarawan ang PhilHealth na “very stable”. (Charina Clarisse L. Echaluce)