140616_25th_pinatubo_08_albertG copy

HUNYO 15, 1991, eksaktong dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas -- nang sumabog ang Mt. Pinatubo, ang naitalang second largest terrestrial eruption nitong katatalikod na 20th century, sumunod sa Novarupta eruption sa Alaskan Peninsula noong 1912.

Ayon sa pagtaya ng volcanologists, bumuga ang Mt. Pinatubo ng umaabot sa 10,000,000,000 toneladang magma, 20,000,000 toneladang sulfur dioxide, at nagsaboy ng particulates sa kalawakan na nagkaroon ng epekto sa global termperatures.

Sa layong 20-30 kilometro mula sa bunganga ng Mt. Pinatubo, nakunan ang pagsabog ng award winning photojournalist na si Alberto Garcia, chief photographer ng Manila Bulletin ngayon. Naglilingkod siya noon sa New York based na Sabah Photo Agency at on assignment para sa TIME Magazine.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Siya lang ba ang photographer sa area nang sumabog ang bulkan?

“Hindi, ah! Marami kami. Sa pagkakatanda ko, labing-apat kami ro’n,” kuwento ni Sir Albert nang interbyuhin ko kahapon.

Agad naging iconic sa buong mundo ang kuha niya sa asul na Tamaraw FX na tila tumatakas sa abong halimaw.

“Sasakyan ng Philippine Star ‘yun, at may mga photogs na nakasakay doon,” pagbabalik-tanaw ng pamosong photog.

Ano ang naramdaman niya nang mga oras na ‘yun?

“Ang naramdaman ko no’n, mamamatay na kami. Nagdasal ako na ‘wag muna, kasi maliliit pa no’n ang mga anak ko. Pero naisip ko, bago pa man ako mamatay, kunan ko muna. Sayang, eh! Inisip ko rin kung paano magiging safe ang camera at ‘pag na-recover ang katawan ko, makikita pa rin ang kuha ko.”

Umabot ba sa puwesto nila ang usok?

“Patay kami kung umabot sa amin ‘yun! One thousand degrees centigrade ‘yun. Kaya no’ng ligtas na kami, lahat nagsi-celebrate, ako tahimik. ‘Di ako makapag-celebrate. Nanginginig ang mga kalamnan ko, pero siniguro ko agad ang mga kuha ko. Ni-rewind ko agad ang rolyo, kasi baka ma-expose.”

Walong frames ang nakuha niya. At pagdating ng Manila, agad itong prinoseso, at ipinadala sa TIME Magazine office sa New York. Laman sa two-page spread ng magazine ang kuha niya pagkaraan ng dalawang linggo.

Pumasok sa 1991 great images ng TIME, Asiaweek at Newsweek ang picture at nang sumunod na taon ay nanalo ng first place sa nature and environment category ng World Press Photo competition sa Amsterdam, ang tanging Filipino photographer na nanalo sa naturang paligsahan. Noong 2001, inilathala rin ng National Geographic noong 2001 sa librong 100 Best Pictures ang kuha niya at ng Time sa libro ring Time: Great Images of the 20th Century.

Mahigit isang linggo niyang binantayan ang Mt. Pinatubo sa Zambales.

“Pabalik-balik kami sa site, pero no’ng Alert Level 3, June 7, sumabog. Kokonti. June 12, sumabog uli, kokonti rin.

Sabi ko, ‘pag ‘di ka pa sumabog, iiwanan na kita. June 15, pinagbigyan niya ako.”

Nasaksihan at naramdaman ng buong mundo ang lupit ng Mt. Pinatubo at ng photojournalist sa mga imaheng nakuha niya.

(DINDO M. BALARES)