HABANG hinihintay ang pagdating ng mag-asawang Oyo Sotto at Kristine Hermosa na naiipit pa sa traffic, sa presscon ng bagong sitcom ng GMA Network, ang Hay Bahay na magtatampok sa comedy team-up nina Vic Sotto at Ai Ai delas Alas, sinagot na ni Bossing Vic ang tanong kung paano niya napapayag ang daughter-in-law niya na gumawa ng project sa GMA, ganoong identified ito sa ABS-CBN.

“Natanong ko rin siya noon kung hindi ba niya nami-miss ang acting, eh, nakasama ko na iyan sa isang Enteng Kabisote movie, alam kong mahusay siyang artista,” kuwento ni Bossing. “Sagot niya sa akin, nami-miss daw niya, kaya lang ayaw na niya ng drama, gusto naman niya iba, light lang, iyong magpapasaya siya ng mga manonood at hindi niya paiiyakin.

“Natutuwa naman ako kay Kristine dahil ang priority niya ang kanyang family, si Oyo at ang tatlo nilang anak, kaya siya tumatanggi sa mga offers sa kanya. Pero iyon pala, isa ring dahilan ng pagtanggi niya, ayaw na niyang mag-drama. 

“Tamang-tama naman na matatapos na that time ang sitcom naming Vampire Ang Daddy Ko at gagawa kami ng bagong sitcom, kaya sabi ko, p’wede ba siyang mag-comedy, p’wede raw. So, heto na, itong Hay Bahay na kasama rin namin sina Jose Manalo, Wally Bayola at Ruby Rodriguez, written and directed ni Bibeth Orteza at start na kami sa Sunday, June 19, after ng 24 Oras Weekend.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“First time naming magtatrabaho ni Tin sa isang project,” sabi naman ni Oyo. “’Yon lang, nahirapan kaming iwan ang mga bata. Hindi kasi sila sanay na wala si Tin sa bahay.”

“Noong first taping day umiyak ang mga bata, napaiyak na rin ako,” sabi ni Tin. “May separation anxiety talaga. Ngayong paalis kami, umiyak na naman si Ondrea, aalis daw na naman kami ng daddy niya. Pero blessing ito, kaya i-enjoy na lang.”

Kumusta ang mga katrabaho niya sa sitcom, nanibago ba siya?

“Nanibago ako, sa kuwentuhan naliligaw ako, new thing sa akin ito, new journey. Pero excited akong makatrabaho sila. Matagal ko ring ipinagdasal ito, I want something na iba at hindi mapapabayaan ang family ko. Kaya nang i-offer ito sa akin, ito na ang hinihintay ko, madali lang ang trabaho dahil once a week lang ang airing, ‘tapos kasama ko pa si Oyo at ang father-in-law ko. Matagal ko na talagang gustong mag-comedy.”

May fans nga ba siyang nagdaramdam na hindi siya sa ABS-CBN bumalik?

“Matagal na rin po akong walang kontrata sa kanila, kahit noong gumagawa pa ako sa kanila, per project lang ang contract ko. Maayos naman akong nagpaalam kay Mr. M at Miss Mariol, at sabi nila kung saan daw ako masaya.”

Four months preggy na si Kristine at incorporated sa story ang pagbubuntis niya, in fact sa ipinapanood na kalahati ng pilot episode, ipinakita sa pregnancy test, preggy nga si Batch (Kristine) kaya ang husband niyang si Yoyo (Oyo), hindi na papayag na umatras ang tenants nila sa bahay dahil kailangan nila ang pera. 

“Nagkabiruan nga, paano kung magsisilang na si Batch sa story, hindi ba mahirap iyon kay Kristine?

“Hindi naman siguro,” sagot ni Oyo. “Madali lang magsilang si Tin.” (NORA CALDERON)