Matapos na hindi payagan ng korte na makadalo sa mga huling araw ng sesyon sa Senado, idinaan na lang ng nakapiit na si Senator Jinggoy Estrada sa Facebook ang kanyang pamamaalam nang i-“deliver” doon ang kanyang huling privilege speech.

Una nang hiniling ni Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na pahintulutan siyang dumalo sa huling sesyon ng Senado nitong Hunyo 6, ang huling araw ng sesyon ng 16th Congress, ngunit tinanggihan siya ng korte.

Nahaharap ang senador sa mga kaso ng graft at kurapsiyon kaugnay ng paggamit umano sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund para pondohan ang mga pekeng non-government organization (NGO) ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Sa kanyang Facebook post, ipinaskil ni Estrada ang kanyang farewell speech at pinasalamatan ang lahat ng kanyang tagasuporta, mga kaibigan, at mga empleyado niya sa Senado. Opisyal na magtatapos ang termino ni Estrada sa Hunyo 30 at ikinokonsidera siyang isa sa mga “graduating” na senador.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Pinasalamatan din niya ang mga kapwa senador na bumisita sa kanya at kay Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa Camp Crame, na roon sila nakakulong. Nahaharap si Revilla sa kaparehong mga kaso.

Nagpasalamat din ni Estrada kay Sen. Juan Ponce-Enrile sa pagpapayo at paggabay sa kanya sa nakalipas na 12 taon.

Isa rin si Enrile sa mga senador na nakulong sa pagkakasangkot sa P10-bilyon pork barrel scam ngunit pinayagang magpiyansa ng Sandiganbayan.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Estrada kay dating Senador Manny Villar, Jr. at sa kanyang pamilya.

“As I proudly end my term as a senator, I wish that the new set of senators will continue to fight for what is right and put our country first before anything else,” saad sa post ni Estrada. “I will leave the Senate with my head held high, my emotions running passionately, and with a smile on my lips because I know I did my job truthfully, the mandate given to me by the millions of Filipinos who voted for me and because I know I’ve done something to improve the lives of our fellowmen especially to our Filipino masses. It was a pleasure to serve you.” (Hannah L. Torregoza)