MAY posibilidad na baka hindi rin siputin ni President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) ang kanyang inagurasyon bilang ika-16 Pangulo ng Republika ng Pilipinas na gaganapin sa Malacañang Palace sa Hunyo 30. Unang hindi sinipot ng machong alkalde na ibinoto ng 16 na milyong Pinoy sa proklamasyon ng Kongreso na pinangunahan nina Sen. President Franklin Drilon at Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Tanging si Vice President-elect Leni Robredo ang dumalo.
Sinabi ni I-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III, incoming Department of Labor and Employment (DOLE) at peace negotiator, na hindi raw si Mang Rody ang tipo ng isang lider na mahilig sa magagarbong seremonya, tulad ng presidential inauguration kasama si Pangulong Noynoy Aquino. Wala naman daw epektong legal ang hindi pagsipot ni Mayor Digong sa kanyang inagurasyon bilang bagong pangulo ng bansa.
Noong Sabado, banner story sa isang English broadsheet ang pre-electoral survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasaad na si President Rody ay nagtamo ng 26% net trust rating, samantalang si VP-elect Leni Robredo ay nagkamit ng 45% trust rating. Ang SWS survey ay ginawa noong Mayo1-3, 2016. Dapat sana, ang ginawa ng SWS ay iyong survey matapos manalo sina Duterte at Robredo, ang kanyang pagmumura, pagbanat sa umano’y corrupt journalists, pagpapaalis sa bansa ng dalawang UN rapporteur na bumatikos sa kanya, atbp. Ang pamagat ng istorya ay “SWS: 26% trust rating for Rody, 45% for Leni.”
Nagbanta si Mayor Digong sa mga mambabatas na kapag siya na ang pangulo, huwag siyang haharangin o kokontrahin sa kanyang “merciless fight” laban sa krimen. Ang banta ay ginawa ni RRD sa Thanksgiving Party sa Cebu City sa harap ng ilang kongresista, kabilang si incoming House Speaker Pantaleon Alvarez, na huwag magkamaling magsagawa ng congressional inquiries sa kanyang anti-crime campaign.
Tatlong senador ang nag-react agad sa bantang ito ni Mang Rody. Sila ay sina incoming-Senators Panfilo Lacson, Leila de Lima, at Riza Hontiveros. Tahasang sinabi ni Sen. Ping na walang makapipigil sa Senado para mag-imbestiga sa ano mang anomalya at pag-abuso ng alinmang sangay ng gobyerno, kahit ang presidente.
Warning ni RRD: “Don’t investigate me. The road ends with me.The buck stops here. We’re going to have a fight.”
Sinagot siya ni Lacson na ang Senado ay hindi katulad ng provincial, city at municipal councils na maaaring kontrolin ng local executives. “Gagawa kami ng imbestigasyon in aid o legislation at kahit sino, kahit ang presidente, ay hindi kami puwedeng diktahan”.
Dagdag pa ni Sen. Ping: “The president should not and cannot stand in the way of our mandated duty. Sa isang sibilisadong lipunan, ang respeto ay sinusuklian ng respeto. On the other hand, unmannerliness deserves same rudeness.”
Aba, may makakalaban si Mang Rody sa katauhan ni Sen. Ping. (Bert de Guzman)