PINANININDIGAN ni Coco Martin ang kanyang naipangako sa sarili na tuwing pasukan ay maglalaan siya ng panahon para sa kabataan na itinuturing niyang future heroes ng Pilipinas.
Taun-taon siyang namamahagi ng mga gamit pang-eskuwela sa mga bagong mag-aaral sa pampublikong paaralan, at sa unang araw ng klase ng mga bagets nitong Lunes ay sa San Jose del Monte, Bulacan siya nagkawanggawa bilang paglulunsad na rin ng kampanyang “Saludo sa Pamilyang Pilipino, Oplan Balik Eskuwela 2016.”
Personal na dumating ang bida ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Paradise Farm Elementary School sa San Jose Belmonte at nagkaloob ng 800 school bags na naglalaman ng school supplies, kapote, tsinelas at iba pang mga kagamitan sa paaralan. Nag-donate din si Coco ng 18 units ng electric fans at ilang kahon ng teaching aid para sa mga guro.
Lubos na nagpasalamat ang mga mag-aaral at mga guro sa busilak na kalooban ng Kapamilya actor.
“Sana marami pa kaming matulungan. Malapit sa puso ko ang mga nag-aaral sa public school kasi laking public school ako. Sana lang talaga, marami pa akong time na maibigay para ibang public schools naman ang mapuntahan namin,” masayang saad ng award-winning actor.
Kasama ni Coco sa pag-aabot ng donasyon sa mga bata ng San Jose Belmonte ang Dreamscape Entertainment management sa pangunguna nina Deo Endrinal, Biboy Arboleda, Dagang Vilbar at iba pang staff ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Naisakatuparan ang naturang charity event sa pagtutulungan ng Dreamscape Television Entertainment at ABS-CBN Integrated Public Service. (REGGEE BONOAN)