BAHAGYA nang napansin sa buhos ng maraming malalaking balita ang iniulat nitong Biyernes na napasama na sa archives ng Senado ang report ng Senate Blue Ribbon tungkol sa maling paggamit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), ang pork barrel fund ng Kongreso.
Hindi ito naisumite nang buo sa Senado kaya hindi kailanman naaprubahan o pinagtibay. Ipinadala ito sa Legislative Bills at Index isang oras makaraan ang sine die adjournment ng Senado para sa 16th Congress nitong Hunyo 6, kaya napabilang na lang sa archives, walang silbi kundi bilang file.
Nakagugulat ang biglang pagsambulat ng usapin sa PDAF noong 2013. Nagsimula ito nang sabihin ng empleyado ni Janet Lim Napoles—si Benhur Luy—na ilegal siyang ipiniit ngunit nagawang makatakas. Kalaunan, ibinulgar ni Luy ang anomaly sa paggamit sa pork barrel funds sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organization (NGO).
Ayon sa akusasyon, daan-daang milyong piso ng pondo mula sa PDAF, na nasa pambansang budget, ang ibinigay sa mga NGO para sa mga proyekto na nadiskubreng peke rin. Maraming senador at kongresista ang nadawit sa scam at inimbestigahan, ngunit tatatlong senador mula sa oposisyon ang kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan at nakulong, na nagbunsod sa alegasyon ng selective justice ng administrasyon laban sa mga kalaban nito sa pulitika.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon tungkol sa PDAF, ang pagkakaroon ng isa pang pondo—ang Disbursement Acceleration Program (DAP)—ay nabunyag din. Inilarawan ito ng oposisyon bilang sariling pork barrel ng Malacañang sa pagpapalabas nito ng pondo ng gobyerno para sa mga proyekto at iba pang aktibidad ng Malacañang nang hindi na dumadaan pa sa Kongreso. Ang PDAF at DAP ay kapwa idineklara ng Korte Suprema bilang labag sa batas.
Bukod mga kaso sa Sandiganbayan ng tatlong senador mula sa oposisyon, iniimbestigahan na rin ng Ombudsman ang mga kaso laban sa iba pang mambabatas kasunod ng mga lead na natuklasan sa pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon.
Ngunit ang report ng Senate Blue Ribbon ay bahagi na lang ngayon ng Senate archives, walang legal na halaga—isang nakalulungkot na pagtatapos ng isang napakalaking usapin sa Senado na labis na nakaapekto sa administrasyon ng pambansang gobyerno, at maging sa katatapos na halalang pampanguluhan.