Asam ni dating Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) fighter Gretchen Abaniel na maging unang Pilipinang boxer na makapagwagi ng tatlong titulo sa pagsabak sa Global Boxing Union minimumweight kontra sa Thai boxer sa Hulyo 2.

Sinabi ni Abaniel, bitbit ang Global Boxing Union at Women’s International Boxing Federation crown, na pipilitin niyang makagawa ng kasaysayan para sa bansa sa paghahangad na masungkit ang tatlong magkakaibang championship belt.

“Nalulungkot po ako kasi kapag may laban si Ana Julaton ay maraming nasusulat sa kanya kaya po ako ngayon ay nandito para ipakita ko naman na may isa po na Pilipinang kampeon at may dalawa po akong championship belt,” sabi ni Abaniel, apat na taong naging pambansang atleta simula noong 2003 bago umalis noong taong 2007.

Itataya ni Abaniel, may 16 na panalo, walong talo na may 6 na knockout, ang kanyang Global Boxing Union Female World Minimumweight para naman sa bakanteng Women’s International Boxing Association World Minimumweight title kontra Thai Petcharas Superchamp.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Actually po, gusto ko sanang unification fight sa pagtataya ko sa dalawa kong korona pero nahuli po ng panahon para sa negosasyon kaya isang belt po lamang ang paglalabanan at iyung mananalo ay maiuuwi rin ang bakante na titulo,” sabi pa ni Abaniel

Si Abaniel, dating national amateur champion at international medalist, ay iniuwi ang GBU crown matapos talunin ang dating walang talo na si German Asiye Özlem Sahin noong Nobyembre 7, 2015. (Angie Oredo)