DAANBANTAYAN, Cebu – Nasa 2.4 ektarya ng bahura sa Malapascua Island sa hilagang Cebu ang napinsala matapos sumadsad doon nitong Lunes ang isang dayuhang barko na kargado ng semento.
Sinabi ng Cebu Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na batay sa paunang assessment nito, nasa 2.4 na ektarya ng bahura ang nasira nang sumadsad ang Panamanian-registered cargo ship na MV Belle Rose sa Monad Shoal.
Ayon kay PENRO officer-in-charge Baltazar Tribunalo, magtutungo sa lugar ang isa pang grupo mula sa PENRO, ang non-government group na Sea Knights, at mga kinatawan ng University of San Carlos Marine Biology department upang magsagawa ng masusing inspeksiyon.
Sinabi rin ni Tribunalo na pansamantalang sinuspinde ang diving activities sa Malapascua Island dahil sa nabalahaw na barko. Posibleng makaapekto ang nasabing suspensiyon sa industriya ng turismo sa isla, na kilala bilang isa sa pinakamagagandang diving site sa mundo.
Sinisikap naman ng Philippine Coast Guard (PCG)-Cebu Station na alamin ang dahilan ng pagkabalahaw ng 29,104-toneladang barko, gayung hindi naman masama ang panahon sa nakalipas na mga araw.
Kargado ang barko ng saku-sakong semento at patungo sa bayan ng San Fernando sa katimugang Cebu mula sa Tsukimi, Japan. Pawang Pinoy ang tripulante nito, na binubuo ng walong opisyal at 12 miyembro.
Ayon kay Tribunalo, hindi nila maaaring kalasin ang barko dahil wala pang inilalabas na survey permit ang PCG at Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Tiniyak naman ni Tribunalo na negatibo sa oil leak ang barko nang una nila itong inspeksiyunin.
(Mars W. Mosqueda, Jr.)