INIHAYAG ng United Nations na sisikapin nitong mabigyan ng matutuluyan ang record na 170,000 refugees na nangangailangan ng mga bagong tahanan sa susunod na taon, habang hinaharap ang nakalululang krisis sa maramihang paglikas mula sa kaguluhan.
Ang nabanggit na pagtaya ng United Nations refugee agency sa bilang ng resettlement ay kumakatawan sa karagdagang 30,000 katao kumpara ngayong taon.
Ngunit mas mababa pa rin ito ng 15 porsiyento sa 1.19 na milyong refugee sa mundo na “in need of resettlement” sa 2017, ayon sa report ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) na isinapubliko kahapon.
Ang nasabing grupo ay binubuo ng karamihan ay refugees na pinaniniwalaan ng United Nations na hindi na makauuwi o kakailanganin nang makipamuhay sa bansang kasalukuyang kumukupkop sa kanila.
Ngunit ang pagkakaloob ng bagong tahanan sa 1.19 na milyong katao sa loob ng 12 buwan ay hindi uubra batay sa mga huling kaparehong insidente, sinabi ni Leo Dobbs, tagapagsalita ng UNHCR, sa Agencé France Presse.
Kaya naman inaasahang irerekomenda ng ahensiya na maihanap ng matutuluyan sa ibang mga bansa ang nasa 170,000 kataong pinakanangangailangan ng tahanan sa ngayon.
Ayon kay Dobbs, ang pinal na desisyon sa bawat kaso ay nakasalalay sa inaasahang kukupkop na bansa, ngunit sa nakalipas na mga taon, ang nakalululang bahagi ng mga inirekomenda para sa bagong matutuluyan ay nabigyan agad ng mga bagong tahanan.
Noong 2015, inilipat ng UNHCR ang record na 134,000 kataong walang tahanan at 104,000 naman noong 2014. Ang tinayang bilang ngayong taon ay papalo sa 143,000.
Ang mga Syrian ang nanguna sa listahan ng mga kaso ng resettlement noong nakaraang taon sa 20 porsiyento, kasunod ang mamamayan mula sa Democratic Republic of Congo, Iraq, at Somalia.
Sumang-ayon ang European Union sa polisiya ng paghahati sa responsibilidad, na inaasahan ang relokasyon ng 160,000 refugee na tumawid sa Mediterranean Sea at napakupkop sa Italy o Greece.
Ngunit iilang daan lamang ang nabigyan ng matutuluyan hanggang sa ngayon, alinsunod sa plano ng European Union.
Sa kabuuan, tinaya ng UNHCR na sa ngayon ay mahigit 60 milyong katao ang sapilitang itinaboy mula sa kani-kanilang tahanan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa bilang na ito, nasa 40 milyon ang lumikas at lumipat ng lugar sa sariling bansa, habang mahigit 20 milyon naman ang desperadong tumawid sa mga hangganan para makapagsimulang muli ng kani-kanilang buhay. (Agencé France Presse)