Change is coming sa 17th Congress—partikular kung paanong magdamit ang mga mambabatas para sa tradisyunal na bonggang State of the Nation Address (SONA).
Tapos na ang mga panahong nagpapatalbugan ang mga mambabatas sa red carpet suot ang pinakamagaganda nilang alahas at mga damit na likha ng pinakakilalang fashion designer kapag naluklok na sa puwesto si President-elect Rodrigo Duterte, ayon kay outgoing 1-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III.
“The SONA fashion show will be a thing of the past under the Duterte administration,” sabi ni Bello, na matagal nang kaibigan ng outgoing Davao City mayor.
Ayon kay Bello, wala sa bokabularyo ni Duterte—na nakilala niya simula noong city administrator pa lamang ang alkalde—ang pagdadamit nang bongga.
Aniya, si Duterte ang tipong “what you see is what you get”, at simula nang mangampanya ay madalas na nakasuot lang ng checkered polo shirt o polo (minsan ay mukhang hindi pa plantsado), maong na pantalon, at boots.
“Hindi Ferregamo ‘yun,” sabi pa ni Bello tungkol sa boots ni Duterte.
Sa unang SONA ni Duterte sa Hulyo 25, pinayuhan ni Bello ang mga kapwa niya mambabatas na makibagay sa kasimplehan ni Duterte upang makaiwas sa mga nakakahiyang sitwasyon.
“They should take it as a signal. They should not outshine the principal. Mapapahiya sila,” ani Bello.
Nang tanungin kung ano sa palagay niya ang isusuot ng President-elect sa unang SONA nito sa pagbubukas ng 17th Congress, sagot ni Bello: “A Barong Tagalog, maong (denim pants) and boots.”
Ayon kay Bello, ganoon ang naging pagdadamit ni Duterte nang magsilbi itong kinatawan ng unang distrito ng Davao City sa Kamara noong 1998 hanggang 2001.
Noong nakaraang buwan, inihayag ni Duterte na si Bello ang magiging kalihim ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa ilalim ng kanyang administrasyon. (Ellson A. Quismorio)