Nagdeklara ng “all-out war” si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan laban sa ilegal na droga at sinegundahan ang nais ni incoming President Rodrigo Duterte na “shoot-to kill” order laban sa mga drug pusher.
Kasabay nito, tiniyak ni Malapitan na magbibigay ang pamahalaang lungsod ng P50,000-P100,000 pabuya sa sinumang magbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga drug lord.
“Depende ang halaga ng reward money sa dami ng makukumpiskang shabu. Kapag malaki ang volume, malamang na malaki rin ang reward. Ang importante dito, mahuli natin yung mga drug pushers.”
Sa Hulyo 1 sisimulan ng alkalde ang maigting na kampanya laban sa ilegal na droga at sa mga wanted sa paggawa ng karumal-dumal na krimen.
Kasabay nito, binalaan ni Malapitan ang mga opisyal ng pulisya at mga taga-City Hall na protektor ng mga drug lord, at mariing sinabi na sa kulungan sila masasadlak.
Inatasan din ni Malapitan ang pulisya at mga opisyal sa 188 barangay sa Caloocan City na isumite sa kanya ang mga pinaghihinalaang drug pusher sa kani-kanilang lugar. (Orly L. Barcala)