Matapos manirahan ng anim na taon sa Bahay Pangarap sa Malacañang, nananabik na si Pangulong Aquino na bumalik sa bahay ng kanyang pamilya sa Times Street, Quezon City, sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30.
Aniya, isinasailalim na sa renovation work ang lumang bahay ng kanilang pamilya sa Times Street at hindi niya maiwasang maging emosyonal sa kanyang pagbabalik sa lugar na marami siyang masasayang alaala, lalo na noong mga panahon na nabubuhay pa ang kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Corazon Aquino at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
“Uuwi sa bahay namin. Ngingiti siguro na talagang physically, literal na medyo malaki na ang nabawas kong responsibilidad. Tapos masanay ulit tumira sa Times,” pahayag ni Aquino sa panayam.
Nilisan ang Times Street na binata nang maluklok sa Malacañang noong Hulyo 2010, babalik si PNoy sa lugar na binata ngayong Hunyo 30.
Tumayong ama ng 100 milyong Pinoy sa nakalipas na anim na taon, uuwing nag-iisa si PNoy matapos ang kanyang termino.
“Alam n’yo parang nire-remodel ng mga kapatid ko rin ‘tong bahay, at palagay kong maganda nga ‘yun,” dagdag ni Aquino.
Sinabi ni Aquino na kung babalik siya sa kanilang bahay at dadatnan ang luma nitong estado, aminado siya na posibleng maging malungkot ang kanyang disposisyon dahil tiyak na laging magbabalik sa kanyang alaala ang kanyang mga magulang.
“Pihit ako ng kaliwa mula doon, dito ibinurol ang tatay ko. Pihit ako paganon, dining room namin, dito kami maraming pagtatalakay, pagmi-meeting na dinatnan,” kuwento ni PNoy.
Bihira na rin, aniya, na mapadpad sa kanilang bahay ang kanyang mga babaeng kapatid na sina Ballsy, Pinky, Viel at ang TV host-actress na si Kris Aquino, na pawang may sarili nang pamilya. (GENALYN D. KABILING)