TALAVERA, Nueva Ecija - Bukod sa problema sa trapiko sa iba’t ibang lugar sa Nueva Ecija, mas malaking problema ang kinaharap ng mga pampublikong paaralan kahapon sa pagbubukas ng klase, dahil sa kakulangan sa silid-aralan.

Sa nakalap na ulat ng Balita, naobligang magpatupad ng “two-shifting: ang mga national high school sa probinsiya makaraang hindi umabot sa target ang konstruksiyon ng mga gusaling pampaaralan, na proyekto ng Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa panayam kay Gng. Celia M. Enducil, Principal IV ng Talavera National High School, sinabi niyang hindi sapat ang mga silid-aralan dahil sa dagsa ng enrolment, bukod pa sa sinimulan na ngayong taon ang pagpapatupad sa Grade 11 at Grade 12, alinsunod sa Kto12 Program ng gobyerno.

Ang nabanggit na high school ay may enrolment na 4,711, at may 203 guro.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Gayunman, ayon kay Enducil, walang problema sa hanay ng mga guro at non-teaching personnel dahil kumpleto ang mga benepisyong tinatanggap ng mga ito, kabilang ang P5,000 na clothing allowance, at P2,000 cost-of-living allowance, bukod pa sa chalk allowance.

Hindi rin gaanong problema ang mga textbook, teaching materials at visual aides.

Umaasa rin si Enducil na matatapos na ang konstruksiyon ng may 30 classroom na four-storey building bago matapos ang taon.

Aminado maging si Schools Division Superintendent Ronald Joson na kulang pa rin ang mga silid-aralan sa probinsiya.

(Light A. Nolasco)