NAGTALA ng kasaysayan si Hillary Clinton, ang dating unang ginang at dating secretary of state ng United States, nitong Miyerkules nang nakopo niya ang nominasyon bilang kandidato sa pagkapangulo ng Democratic Party. Dahil sa delegasyong nakuha niya sa mga primary sa New Jersey, New Mexico, at South Dakota, hinigitan niya ang 2,383 delegadong kailangan upang makuha ang nominasyon sa idaraos na kumbensiyon ng Democratic Party.
Isa itong makasaysayang tagumpay para kay Clinton. Ito ang unang pagkakataon na babae ang opisyal na pambato sa pampanguluhan ng isang pangunahing partido sa Amerika. At sakaling manalo siya sa halalan sa Nobyembre, siya ang magiging kauna-unahang babae na nahalal na presidente ng Amerika.
Ayon sa mga programang pangtelebisyon sa Amerika, maraming iba pang bansa sa mundo ang nakapaghalal na ng babaeng pinuno, kabilang sina Ellen John Sirleaf ng Liberia, Golda Meir ng Israel, Angela Merkel ng Germany, at Park Geun-hye ng South Korea. Nakapaghalal na ang Pilipinas ng dalawang babaeng presidente—sina Corazon C. Aquino at Gloria Macapagal Arroyo.
Ngunit wala pang babae na nahalal na presidente ng Amerika. Marami nang naisulat tungkol sa “glass ceiling” na nakapipigil sa kababaihan na maluklok sa pinakamatataas na posisyon sa mga korporasyon sa Amerika. Ang pinakamakapal na salaming kisame sa Amerika—ang nasa White House—ay abot-kamay na ngayon ni Hillary Clinton.
Nakaharang sa kanyang pinupuntirya ang presumptive presidential candidate ng Republican Party, ang Grand Old Party (GOP)—si Donald Trump, na natamo ang GOP nomination nitong Martes, isang araw na mas maaga kay Clinton. Mismong si Trump ay maituturing na rebelde sa sarili niyang partido, pinulaan at binatikos ng maraming tradisyunal na pinuno nito dahil sa kanyang hindi maingat na pagsasalita at ang itinuturing na pagkiling niya laban sa minorya, mga immigrant, at mga Muslim.
Katatapos lang idaos ng Pilipinas ang pambansang eleksiyon nito noong Mayo 9 at naghahanda na ngayon ang bansa para sa bagong administrasyon na pamumunuan ng sarili nating kakaibang pinuno na nangako ng pagbabago. Sinusubaybayan natin ang eleksiyon sa Amerika, na rito natin ginaya ang sarili nating sistemang pulitikal at roon nakatira ang napakaraming Pilipino sa kasalukuyan.
Mayroon tayong matatag na ugnayan sa Amerika at inaasahang magpapatuloy ito kahit sino pa ang manalo sa eleksiyon sa Nobyembre. Sa ngayon, nakikiisa tayo sa pag-asam ng mamamayan ng Amerika sa posibilidad na magkaroon ng babaeng presidente. Nagkaroon na tayo ng dalawa rito sa Pilipinas at kapwa sila nagkaloob ng mga hindi matatawarang kontribusyon sa ating kasaysayan at sa ating pag-unlad bilang isang bansa.