Iniulat kahapon na pinugutan na rin ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isa pa sa apat na dinukot nito sa Samal kasunod ng kabiguang mabayaran ang P600-milyon ransom na hiniling ng mga bandido.
Ayon sa ulat, isang Abu Raami, na umano’y tagapagsalita ng ASG, ang nagkumpirma sa pamumugot sa Canadian na si Robert Hall matapos ang deadline ng 3:00 ng hapon para bayaran ang hinihinging ransom.
Gayunman, habang sinusulat ang balitang ito kahapon ng hapon ay hindi pa makumpirma ng militar ang balita, sinabing bineberipika pa nila ang impormasyon.
“We have no information regarding that incident. We will just continue with our support operations. But we will consider that information for confirmation,” sabi ni Lt. Col. Noel Detoyato, public affairs officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi naman ni Major Filemon Tan, tagapagsalita ng AFP Western Mindanao Command (WesMinCom), na siya “can not confirm or deny” ang ulat dahil wala pa silang natatanggap na kumpirmadong impormasyon.
Nangyari umano ang pamumugot kay Hall kasunod ng pahayag ng militar at pulisya na nagsasagawa na ng negosasyon ang kinauukulan upang mapigilan ito.
Napaulat na nagkaroon na ng negosasyon para sa pagpapalaya kay Hall, sa nobya niyang Pinay na si Marites Flor at sa isa pang dayuhang bihag, ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad.
“There was also a request to extend the deadline. That because of Ramadan, this may be granted. Lahat ito for confirmation pa,” sabi ni Brig. Gen. Retituto Padilla, tagapagsalita ng AFP.
Una nang humingi ang ASG ng P600 milyon kapalit ng pagpapalaya kina Hall, Flor, at Sekkingstad, kasabay ng babalang pupugutan nila ang isa sa mga ito kung hindi mababayaran ang ransom ng Hunyo 13.
Matatandaang pinugutan ng Abu Sayyaf noong Abril 25 ang isa sa apat na bihag, ang Canadian na si John Ridsdel, sa Sulu.
Setyembre 2015 nang dukutin ng grupo ang apat mula sa Ocean View Resort sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte. (ELENA L. ABEN)