Bigo man sa kampanyang makasikwat ng Olympic slot, natabunan ni Filipino-American runner Jessica Barnard ang 33-taong Philippine record sa 800 meter run sa ginanap na Portland Track Festival kamakailan sa Oregon.

Naorasan ang 26-anyos na si Barnard sa dalawang minuto at 06.75 segundo para higitan ang matagal nang record na 2:07.01 ni Nenita Dungca-Tacuyan sa Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand noong Disyembre 10, 1983.

Kabilang si Barnard sa US-based athlete na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa layuning mapalakas ang tsansa ng bansa na makasikwat ng Olympic slot sa Rio, Brazil sa Agosto 5-21.

Malaki ang pagbabago sa performance ni Barnard na naorsan sa 2:11.20 sa nakalipas na Philippine National Games na ginanap sa Lingayen, Pangasinan.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nagwagi ng bronze medal si Barnard sa 2013 SEA Games (800m) at noong 2015 sa steeplechase kung saan siya rin ang may hawak ng national record.

Ang ina ni Barnard ay tubong Digos City, Davao. (Angie Oredo)