TALAGANG determinado si President-elect Rodrigo Roa Duterte (RRD) na burahin sa bansa ang kriminalidad at illegal drugs. Sinabi ni Quezon Rep. Danilo Suarez na nais ni RRD na bitayin, sa pamamagitan ng pagbigti, ang 50 convict kada buwan upang magsilbing babala sa gagawa ng krimen na sila’y bibitayin sa pampublikong lugar. Kapag pinayagan ng Kongreso si Mang Rody na ibalik ang death penalty, 50 drug lord at convict ang ipabibitay kada buwan upang makontrol ang kriminalidad at paglaganap ng droga sa Pilipinas.
Ang pagbigti sa 50 drug lord at convict ay inihayag ni President Rody nang makipagpulong siya sa 19 na kongresista na pumunta sa Davao City sa pangunguna ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., kasama si Suarez. Inihayag naman ni incoming PNP Chief Director General Roland de la Rosa, alyas Bato, na tumanggap siya ng impormasyon na nagpulong ang mga drug lord at convict sa New Bilibid Prisons (NBP) upang silang dalawa ni Mayor Duterte ay itumba bago sila ang mapatay.
Ayon kay Bato, este Gen. Dela Rosa, nag-aalok ng tig-P50 milyon ang mga kriminal sa kanilang ulo upang sila’y patayin para hindi maputol ang iligal na gawain, lalo na ang illegal drugs. Sabi ni Bato: “Walang kumagat sa una nilang alok na tig-P10 milyong pabuya para itumba si Mayor. Tinaasan nila ang alok para maging tig-P50 milyon para sa ulo ko at ni Mayor,” o kabuuang P100 milyon.
Sinabi naman ni incoming Department of Justice (DoJ) secretary Vitaliano Aguirre III na karamihan sa ilegal na droga, 75 porsiyento nito ay galing sa mainland China o kaya naman’y niluluto sa mga barko sa high seas, at pagkatapos ay ipinupuslit para makarating sa mga Chinese drug lord na nasa loob ng NBP. Sila ay kumokontak o nagbebenta naman ng illegal drugs sa mga Filipino drug lord. Nagbanta si Aguirre na maglulunsad siya ng “drastic at radical move”. Sa panig ni Bato, sinabi niyang lilinisin niya ang NBP at ilalabas ang drug lord/convicts doon nang “nakahiga” o “horizontal”. Ibig sabihin ni Gen. Bato, papatayin niya ang mga ito at bangkay na kapag inilabas.
Kung hindi ako nagkakamali, tanging si ex-DILG Sec. Mar Roxas, kandidato ng Liberal Party, ang hindi nagsumite ng Statement of Contributions and Expenses (SOCE) nitong nakaraang eleksiyon alinsunod sa itinatakda ng Commission on Elections. Bakit kaya? Dahil dito, may panganib na hindi payagang paupuin sa puwesto ng Comelec ang mga kandidatong LP na nanalo sa halalan, kabilang si Vice President-elect Leni Robredo, na tinalo si Sen. Bongbong Marcos na hanggang ngayon ay nagmamaktol.
Lumilitaw sa SOCE ng mga kandidato sa panguluhan, si Sen. Grace Poe ang tumanggap ng pinakamalaking kontribusyon na umabot sa P510.8 milyon. Ang inang si Susan Roces ang pinakamalaking contributor niya; P25 milyon. Pangalawa si VP Binay na may P463.3 milyon; Duterte P371.4 milyon; at Sen. Miriam Defensor-Santiago P74.6 milyon. (Bert de Guzman)