“HUWAG ninyo akong imbestigahan,” wika ni Pangulong Digong sa Kongreso. “Mag-aaway tayo. Gagawin ko kung alin ang tama hanggang ito ang totoo.” Ito ang babala ng Pangulo laban sa mga mambabatas kaugnay sa pakikibaka niya sa krimen.

Mabuti’t may tatlong senador na umalma sa babalang ito ng Pangulo. Hindi komo inihalal siya bilang presidente ng mamamayan ay puwede na niyang balaan ng ganito ang Kongreso. Kahit ba pinakamalaking porsiyento na ng mga botante ang kumatig sa kanya sa ipinangako niyang susugpuin ang krimen sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, kailangan sumunod siya sa batas. Tayo ay “government of laws and not of men.” Ang lahat ng opisyal at posisyon sa gobyerno ay likha ng batas.

Hinati ng Saligang Batas sa tatlong departamento ang gobyerno: Ang ehekutibo na pamumunuan ngayon ni Pangulong Digong; ang Kongreso na binubuo ng mga mambabatas; at hudikatura ng mga mahistrado at hukom. May kani-kanyang tungkulin ang mga ito sa bayan. Tulad ni Pangulong Digong, ang mga mambabatas ay inihalal din ng bayan. Sila ang boses ng sambayanan sa loob ng gobyerno. Sila ang gumagawa ng batas. Upang epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin, may kapangyarihan silang mag-imbestiga. Ang layunin ng imbestigasyon ay mangalap ng impormasyong pagbabatayan ng gagawin nilang batas upang ito ay maging lapat sa problemang nais nilang lunasan.

Ang kapangyarihang ito ng Kongreso ay siyang nais ni Pangulong Digong na huwag gamitin sa kanya sa pakikipaglaban niya sa krimen. Ang kanyang katwiran ay tama at totoo naman ang kanyang gagawin. Ipagpalagay na natin na kaya niya itong gampanan, ang problema, hindi naman siya ang personal na gaganap nito. Eh, hindi lang naman krimen ang problema ng bansa na lalapatan niya ng lunas. Kaya, upang epektibong magampanan ni Pangulong Digong ang kanyang tungkulin sa pagharap niya sa mga problema ng bansa, ihahabilin niya ito sa kanyang mga tauhan. Ang krimen ay sa mga pulis, militar at iba pang empleyado ng gobyerno na ang tungkulin ay mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lipunan. Sa palagay kaya ninyo, ang mga ito ay gaganap ng kanilang tungkulin parang si Pangulong Digong mismo ang gumaganap? Kapag ang mga ito ay initsapuwera mo sa imbestigasyon ng Kongreso, tulad ng nais na mangyari ng Pangulo, asahan ninyo na babaha ang bansa ng dugo ng mga inosenteng sibilyan. (Ric Valmonte)