HINDI matapus-tapos ang pakiramdaman at hulaan sa hanay ng mga opisyales na nakatalaga sa Camp Crame kung sino talaga ang tatlong heneral na binantaan ni President-elect Rodrigo Duterte na hihiyain niya sa publiko kapag ang mga ito ay hindi agad nagbitiw sa kani-kanilang posisyon kapag naupo na siya sa Hunyo 30.

Naging tampulan pa nga ito ng biro sa mga kampo dahil sa karamihan sa mga “one-star-rank” na hinihinalang tinutukoy ni Duterte ay pawang retirado na. Sigurado raw na mapapahiya si Duterte dahil walang magre-resign kasi wala na ang mga ito sa serbisyo. Meron pa ngang biro na tatlong star daw pero nasa balikat lang ng heneral na napabalitang matalik na kaibigan ng isang notorious pero napakayaman at maimpluwensiyang drug lord. Ang tinutukoy na opisyal ay noong Marso pa nagretiro.

Noong unang araw na umarangkada ang balitang ito, ang hinala ay sinalo agad ng mga heneral na nakasama sa pagpupulong sa Novotel sa Cubao na balwarte ni Mar Roxas. Sinasabing kumapit ang stigma ng droga sa mga dumalo sa meeting dahil kasama nila si three-star general.

Ang natatandaan ko si three-star general ay isa noon sa matunog na kandidato para maging Chief PNP pero nabulilyaso ang pag-upo dahil na “special ops” siya ng mga kakumpitensiya gamit ang maperhuwisyong tag ng pagiging “protektor” ng drug lord. Pero kung ang pagbabatayan ay ang takbo nang bulung-bulungan ng mga taga-Camp Crame— na kung totoong mayroon ngang mga heneral na sabit sa droga, malamang na walang magbitiw ni isa sa kanila dahil alam nilang kailangang may “due process” bago maisalang sa kahihiyan, gaya ng ipinangangalandakan ni Duterte.

Sa ganang akin, ang lahat nang naririnig natin at napapanood ngayon sa mga balita na may kaugnay sa mga operasyon laban sa droga, ay bahagi ng tinatawag sa “intel-community” na PROJECT TERMINATION. Isa itong masalimuot na bahagi ng operasyon, na nakakatakot isipin dahil kadalasan, ito ay nauuwi sa madugong wakas ng mga miyembro ng sindikato at ng mga “asset” na ginamit para ma-neutralize ang grupo. Pero kwidaw, ang mga nasa itaas, heneral man o mga opisyales sa pamahalaan, na nagpapasasa nang husto sa kita ng illegal na gawain siguradong lusot sa kaso.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)