LEMERY, Batangas - Nagdeklara ng all-out- war laban sa ilegal na droga ang pulisya at lokal na pamahalaan ng Lemery, isa sa mga bayan sa Batangas na sinasabing talamak ang bentahan ng shabu.
Sa pulong kasama ang mga opisyal ng barangay, sinabi ni Mayor Charisma Alilio na lahat sila ay obligadong alisin sa bawat sulok ng Lemery ang mga drug pusher at tulungan ang mga gumagamit o lulong sa ilegal na droga.
“Maghithit na kayo (drug pushers) ng asin huwag lamang kayo maghimas ng rehas na bakal o mapatay kayo,” ani Alilio.
Sinabi pa ni Alilio na kahit masagasaan ang political career niya at ng iba pang opisyal ng Lemery ay hindi sila natatakot dahil pursigido sila sa paglaban sa droga.
“Hindi ako natatakot sa kanila, kahit babae ako hindi ko sila uurungan,” aniya.
Sinabi ng alkalde na sa loob lang ng dalawang buwan ay may makikita nang pagbabago sa kanilang bayan.
SUPPLIER NG SHABU
Ayon kay Chief Insp. Dwight Fonte, hepe ng Lemery police, nasa 20 sa 48 barangay sa bayan ang talamak ang bentahan ng ilegal na droga, sa pangunguna ng Barangay Maguihan.
Binanggit din ni Fonte ang mga barangay ng Wawa Ibaba, Wawa Ilaya, District 1, Anak Dagat, Sambal Ilaya, Sambal Ibaba, District 4, Malinis, Nonong Casto, Maigsing Dahilig, Sinisian West, Mayasang, Tubuan, Bagong Pook, Payapa, Matinggain Uno, Dita, Cahilan at Balanga.
Aniya, bultu-bultong supply ang dumarating sa Lemery mula sa Lipa City, Cavite at Laguna.
Ang droga, aniya, ay bumababa sa bayan ng Laurel patungo sa Agoncillo hanggang sa makarating sa Lemery.
Sa isinagawang operasyon nitong Biyernes, nakatanggap umano ng impormasyon ang pulisya na isa sa mga supplier ng ilegal na droga ay nasa Batangas Provincial Jail.
“’Yung nakuhanan namin ng maraming shabu, sabi niya galing sa provincial jail. May kapatid siya na nakakulong doon, ‘yun ‘yung top 3 sa ating top 10 nitong 2015. Ire-report natin ‘yan para magawan ng aksiyon at gagawan natin ng malalimang imbestigasyon,” ani Fonte.
“Alam natin kung kaninong pangalan ang lumulutang dito sa Lemery pagdating sa droga, si 'Banker', pero wala na siya rito. Wala na ang malalaking financier dito, mayroon lamang kaming namo-monitor na dalawa, at hindi namin ito titigilan,” sabi pa ni Fonte.
Aniya pa, malaking tulong sa kanilang kampanya laban sa droga ang suporta ng pamahalaang lokal, lalo na sa pinansiyal, dahil umaabot sa P5,000 ang gastos sa bawat anti-drug operation na halos tatlong beses kada linggo nila isinasagawa.
HANAPBUHAY AT REHABILITASYON
Sa bisa ng isang ordinansa sa Lemery, ang lahat ng establisimyento ay obligadong kumuha ng 70 porsiyento ng empleyado nito sa kanilang bayan, bukod pa sa livelihood program.
Ayon kay Mayor Alilio, walang magagawa ang nasabing programa ng pamahalaang bayan para sa mga residente kung mas pipiliin ng mga itong kumita nang malaki sa mabilis at ilegal na paraan dahil sa bisyo.
“Kami naman ay ‘andito lang para umalalay, pero ang pagbabago dapat nagsisimula sa kanilang mga sarili,” dagdag ng alkalde. (Lyka Manalo)