GUNIGUNITA natin ngayon ang buhay at mga gawa ni San Antonio de Padua, Doctor of the Church, Patron ng mga Milagro, at santo ng mga nawaglit o nawawalang bagay.
Isinilang si San Antonio de Padua noong 1195 sa Lisbon, Portugal. Anak ng marangal, makapangyarihan ngunit may takot sa Diyos na mag-asawang sina Mary at Martin Bulhom, pinangalanan siyang Ferdinand noong binyagan. Sa edad na 15, pumasok si Ferdinand sa Canons Regular ni San Agustin. Makalipas ang dalawang taon, upang makaiwas sa madalas na pagbisita ng kanyang mga kaibigan at kaanak, nagtungo siya sa Combria at nanatili sa Augustinian Monastery of Santa Cruz na roon niya ginugol ang lahat ng kanyang oras sa pananalangin at pag-aaral. Natuto siya ng Augustinian theology, gayundin ang mga araw ng Diyos Ama.
Noong 1220, sa impluwensiya ng mga reliko ng limang Pransiskano na nagpakamartir sa Morocco, nagdesisyon si Ferdinand na sumanib sa Franciscan Order. Nang tanggapin niya ang abitong Pransiskano, ginamit niya ang pangalang Antonio. Kalaunan, ipinadala si Antonio sa Africa upang magturo sa mga Muslim ngunit iginupo siya ng matinding karamdaman sa buong taglamig. Taong 1221 nang magpasya siyang umuwi na. Gayunman, napagitna sa malakas na bagyo ang sinasakyan niyang barko hanggang sa maitaboy sa Mediterranean. Makalipas ang ilang buwan, dumating siya sa baybayin ng Sicily at nanatili siya roon hanggang sa bumuti ang kanyang kalusugan. Noong Mayo 30, 1221, bagamat mahina pa, nagtungo si Antonio sa Assisi upang dumalo sa General Chapter, at doon niya nakilala si San Francisco.
Mula sa Sicily, itinalaga si Antonio sa isang kumbento sa Tuscany. Ngunit dahil sa kanyang pagkakasakit, nagkaproblema siya. Matapos ikonsidera ang pagiging masasakitin niya, itinalaga siya sa isang liblib na gusali malapit sa Montepaolo na roon siya nagtrabaho sa kusina at gumugol ng maraming oras sa pagdarasal at pag-aaral. Sa isang pagtitipon, iminungkahi ng isang opisyal ng lalawigan na isa sa mga prayle ang maglahad ng sermon at napili si Antonio. Noong una ay mahinahon ang kanyang pagsasalita ngunit hindi maitatatwa ang bawat diin sa kanyang mga paninindigan. Nabunyag ang kanyang karunungan ngunit ang kanyang kabanalan ang hinangaan ng lahat ng nasa pagtitipon. Natuklasan ang kahusayan sa pagsasalita, mula sa pagiging ermitanyo ay naging isang mangangaral si Antonio. Dinagsa ng mga tao ang kanyang mga sermon at ang kanyang mahinahong pananalita at hindi matatawarang kaalaman tungkol sa Banal na Kasulatan ay nagbunsod upang makumbinse at manampalataya ang marami.
Noong 1224, hiniling kay Antonio ng kanyang mga superior na turuan niya ang mga prayle ng sagradong teolohiya ngunit sa kondisyong ipagpapatuloy ng mga prayle ang diwa ng banal na tubig at pagiging deboto. Ang unang ipinagawa sa kanya sa pagtuturo ay sa isang seminaryo sa Bologna. Habang nagtuturo, ipinagpatuloy niya ang pangangaral. Taong 1226 nang maitalaga siyang provincial superior sa hilagang Italy.
Ginugol ni San Antonio ang mga huling taon ng kanyang buhay sa Padua hanggang sa pumanaw siya noong Hunyo 13, 1231, sa edad na 36. Wala pang isang taon ang nakalipas ay agad siya na-canonize ni Pope Gregory IX noong Mayo 30, 1232, sa bayan ng Spoleto. Ginawa siyang Doctor of the Church noong 1946 ni Pope Pius XII.
Sa araw ng kanyang kapistahan, inaabangan ng mga tao ang pamamahagi ng tinapay ni San Antonio de Padua pagkatapos ng bawat Misa. Ang tradisyon ng pamumudmod ng tinapay ay nagsimula noong 1276 AD nang isang bata ang muntik nang malunod habang itinatayo ang Basilica of St. Anthony de Padua. Nangako ang ina ng bata na mamimigay ng harina sa mga taon sa timbang na kapareho ng sa kanyang anak, na kanyang tinupad nang mabuhay ang kanyang anak.
Alalahanin din natin ang pagmamahal ni San Antonio sa Diyos at sa Kanyang mga nilikha. Nawa’y matutuhan natin sa kanyang mga aral ang kahulugan ng tunay na karunungan at manalangin na patatagin niya ang ating pananampalataya upang ipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan sa pagpapakalat ng Mabuting Balita ng Panginoon.