Ni MARY ANN SANTIAGO

Naninindigan ang mga obispo ng Simbahang Katoliko na hindi pa rin tunay na malaya ang Pilipinas, kahit pa ipinagdiwang ng bansa ang ika-118 Araw ng Kalayaan kahapon.

Ayon sa mga obispo, hindi masasabing tunay na malaya ang mga Pilipino dahil alipin pa rin sila ng kahirapan, kurapsiyon, kawalan ng hustisya, kamangmangan, pananamantala, human trafficking, prostitusyon, kawalan ng disiplina, cultural colonialism, ideological colonialism, kawalan ng loyalty at patriotism, gayundin ang kawalan ng trabaho at kawalan ng paggalang sa dignidad ng tao.

“Ang Pilipinas, mga Pilipino ay alipin pa rin ng cultural at ideological colonialism. Wala mang pisikal na presensiya ang mga dayuhan sa Pilipinas ay unti-unti naman nitong sinasakop at iniimpluwensiyahan ang ating kultura, moralidad at mga nakasanayang kaugalian. Pilit tayong sinasakop ng mga dayuhan tulad ng usapin pagpatay sa mga sanggol sa sinapupunan, population control at same sex marriage,” ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, sa panayam ng Radio Veritas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi naman ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg na may freedom of thoughts, actions, speech at religion ang mga Pilipino ngunit dapat nating alalahanin na hindi pa ganap ang ating kalayaan dahil nandiyan pa rin ang ating pagiging alipin ng kahirapan, kurapsiyon, exploitation at iba pa.

Sa panig naman ni Basilan Bishop Martin Jumoad, sinabi niyang magiging makabuluhan lang ang Araw ng Kalayaan kung ang bawat Pinoy ay tapat at committed sa pagsunod sa mga batas.

Para naman kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan, dapat maging hamon sa mga Pinoy ang pakikiisa sa bagong pamunuan upang mapaunlad ang bansa.

Para naman kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People: “Umaalipin sa atin, tinatawag natin ngayon na ‘modern day slavery.’ Katulad ng human trafficking, tulad ng force labor, tulad ng prostitution, tulad ng trafficking of human organs. Ito ang dapat nating bigyan ng pagtanaw at bigyan ng pagkilos ng namamahala sa atin. Ito ang umaalipin sa atin na dapat nating pag-ukulan ng pansin upang tayo ay makalaya.”