NGAYONG magpapasukan na naman ang mga estudyante, inihayag ng Department of Education (DepEd) na may 1,232 pribadong paaralan ang pinayagang magtaas ng singil sa matrikula para sa taong 2016-2017. Batay sa datos nitong Hunyo, lumilitaw na 1,232 private elementary at high school sa buong bansa ang magtataas ng matrikula.
Ang ganitong pagtataas ng singil sa matrikula ng mga estudyante ay iisa ang kahulugan: Panibagong pahirap sa mga magulang na kubang-kuba na sa hirap ng buhay na nararanasan. Niliwanag ng DepEd na ang pagpayag nito na magtaas ng matrikula ay sa kondisyong sisiguruhin ng mga ito ang pag-alinsunod sa DepEd guidelines na nagtatakda ng 70 porsiyento ng increase sa matrikula ay dapat mapunta sa suweldo ng mga guro.
Dalawang malalaking problema ang kinakaharap ng mga mamamayang Pilipino sa kasalukuyan. Una, hindi pa nila batid kung anong uri ng administrasyon mayroon ang bagong pangulo ng bansa, si Rodrigo Roa Duterte (RRD). Nangako siyang lilipulin ang illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Siya raw ay magbibitiw bilang presidente kapag hindi niya nasugpo ito.
Ayaw na rin niyang magpa-interview sa media sa loob ng anim na taong termino dahil lagi lang umano nami-misinterpret ang kanyang mga pahayag. Nakikipag-away din siya sa Simbahang Katoliko at maging sa United Nations nang sabihin ng dalawang UN rapporteur na mapanganib ang pahayag niyang ang mga journalist ay lehitimong target ng asasinasyon kapag sila’y corrupt.
Pangalawa, nahaharap ang Pilipinas sa matigas na paninindigan ng China na hindi nito susundin ang ano mang desisyon ng UN Arbitral Court sa The Hague, Netherlands, hinggil sa kaso ng ‘Pinas laban sa pag-angkin ng China sa ilang reefs na saklaw ng bansa sa West Philippine Sea. Naniniwala ang China mula pa noong unang panahon, kanila ang halos kabuuan ng WPS (South China Sea). Paano mangyayari ito ay maliwanag na ang Panatag Shoal o Scarborough Shoal ay napakalapit sa Masinloc, Zambales samantalang napakalayo sa China?
Kung si RRD ang paniniwalaan, may 35 local official umano ang sangkot sa negosyo ng illegal drugs. Ayon sa machong alkalde, may matataas na pinuno ng PNP at 35 local executive ang nagnenegosyo ng mga bawal na gamot sa bansa. Sa katunayan, binanggit niya na tatlong heneral ng PNP ang sangkot sa ilegal na gawain, at pinagbibitiw niya ang mga ito upang hindi mapahiya kapag siya ang umaksiyon.
Sana sa Hulyo 1, sa pagsisimula ng Duterte administration, mawala ang agam-agam ng taumbayan kung anong uri ng pamamahala ang kanyang paiiralin sa naghihirap at nagdurusang bansa. Sana rin ay iwasan na niya ang pakikipagbangayan sa media at Simbahang Katoliko. Nanalo na siya. Pinaniwalaan ng mga tao ang pangakong susugpuin ang illegal drugs, tatabasin ang mga kriminal at puputulin ang kurapsiyon sa lahat ng sangay ng gobyerno. Ngayon, ang hinihintay ng mga mamamayan ay aksiyon, aksiyon, President Duterte!