NGAYON pa lamang ay sinimulan na ni incoming Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pakikipag-ugnayan sa mga pangunahing opisyal ng DPWH at Department of Transportation and Communication (DoTC) kaugnay ng plano na maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.
Matatandaang naging pangunahing problema ang trapiko sa Metro Manila noong nakaraang taon nang magbunsod ito ng pagkakaantala ng mga kargamento sa Manila port, na nakaperhuwisyo sa mga aktibidad ng mmga pabrika at kalakal, at nagdulot ng pagkasayang ng maraming oras na dapat sana ay ginugol sa mga opisina at eskuwelahan, at sa huli ay masasabing natigil ang malaking bahagi ng buhay sa Metro Manila tuwing rush hour sa umaga at gabi.
Umaksiyon ang Malacanang stepped at direktang nagpatupad si Cabinet Secretary Jose Rene Almendras ng mga hakbangin upang resolbahin ang problema, kagaya ng pagtatalaga sa Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police para pangasiwaan ang trapiko sa mga pangunahing lansangan. Maraming kalsada ang nilinis sa mga sasakyang ilegal na nakaparada. Nagbukas din ng mga alternatibong ruta upang mabawasan ang sasakyan sa mga pangunahing lansangan. Maraming U-turn ang isinara. Ngunit sa harap ng maraming pagbabagong ito, nananatiling malaking problema ang pagbibiyahe sa mga kalsada sa Metro Manila hanggang ngayon.
Sinabi ni incoming Secretary Villar na bukod sa mga proyektong imprastruktura ng administrasyong Aquino, ikinokonsidera ng susunod na kalihim ang mga bagong proyekto, kabilang ang mas maraming tulay at flyover at pagpapalawak sa mga kalsada. Naglaan ang gobyerno ng P401 bilyon para sa DPWH ngayong taon, mas mataas sa P303 bilyon noong nakaraang taon. Dapat na tiyakin ng bagong administrasyon na hindi ito matutulad sa tipid na paggastos na ginawa ng papatapos na administrasyon.
Ngunit ang imprastruktura o engineering ay isa lamang sa mga haligi ng pangangasiwa sa trapiko. Sa kampanya noong nakaraang taon, istriktong nagpatupad ang HPG ng batas-trapiko, isa pang haligi. At may isa pang malaking bagay—ang malaking bulto ng mga sasakyang gumagamit sa mga lansangan ng Metro Manila. Noong 2015 lamang, 320,000 sasakyan ang nabenta, ayon sa mga gumagawa ng sasakyan sa bansa, at ngayong 2016, nasa 350,000 ang inaasahang mabebenta. Nito lamang Enero hanggang Mayo, pumalo na sa 134,328 unit ang kabuuan ng nabenta, 25 porsiyentong mas mataas sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang mga programa sa pampublikong pagawain na sinimulan nang talakayin ni incoming Secretary Villar sa iba pang mga opisyal ay may malaking maitutulong sa maraming iba pang usapin na kailangang pag-aralan at ikonsidera para sa isang tunay na komprehensibong plano upang masolusyunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.