Inaprubahan ng Kongreso ang panukalang magpapataw ng habambuhay na pagkabilanggo sa mga carnapper.
Ipinasa ng Senado at Kamara ang pinal na bersiyon ng panukalang “New Anti-Carnapping Act” bago magtapos ang 16th Congress nitong Mayo 23, 2016.
Layunin ng panukala na amyendahan ang RA 6539, o ang The Anti-Carnapping Act of 1972.
Alinsunod sa panukala, ang carnapping ay ang “taking, with intent to gain, of a motor vehicle belonging to another without the latter's consent, or by means of violence against or intimidation of persons, or by using force upon things.”
Umaasa ang mga may akda sa panukala na lalagdaan at pagtitibayin ito ni Pangulong Aquino bilang batas bago ito bumaba sa puwesto bilang ika-15 presidente ng bansa sa Hunyo 30.
Ayon sa panukala, sinumang mapatutunayang nagkasala sa carnapping, anuman ang halaga ng tinangay na sasakyan, ay makukulong ng 20 taon at isang araw.
Kapag isinagawa ang carnapping nang hindi gumamit ng karahasan o pananakot, papatawan ang carnapper ng hanggang 30 taong pagkakakulong; 30-40 taon kapag nagsagawa ng karahasan o pananakot; at habambuhay na pagkakapiit kapag napatay ang may-ari, driver o pasahero ng sasakyan. - Charissa M. Luci