NEW YORK (AP) — Walang nakatayang Triple Crown, ngunit naging kapana-panabik ang hatawan sa Belmont Stakes.
Nakasilip ng pagkakataon ang Creator sa huling ratsadahan para iwan ang rumemateng Destin sa dikitang laban at angkinin ang US$1.5 milyon Belmont Stakes.
“Today was perfect for us by inches,” sambit ni horse trainer Steve Asmussen, nakatakdang iluklok sa Hall of Fame sa Saratoga.
“Being the victor of the Belmont Stakes will look good on that plaque.”
Napagwagihan ng 50-anyos na trainer ang kabuuang 7,300 races, kabilang ang pamosong Preakness tangan ang alagang Curlin noong 2007 at Rachel Alexandra noong 2009. Ibinasura ang pangalan niya sa Hall of Fame ballot sa nakalipas na taon bunsod ng alegasyon na pinapahirapan niya ang kanyang mga alaga, ngunit nalinis ang kanyang pangalan ng racing officials ng Kentucky at New York.
Ang tinaguriang “Test of the Champion” ang huling karera sa Triple Crown ngayong season. Hindi napantayan ang marka ng American Pharoah na nakakumpleto ng Triple Crown sa nakalipas na taon matapos pagwagihan ang Kentucky Derby, Preakness at Belmont.
Ngayong season, nagwagi ang Nyquist sa Derby, habang nangibabaw ang Exaggerator sa Preakness.
Tangan ang 7-5 odds sa pustahan, tumapos lamang ang Exaggerator, sa ika-11 puwesto sa 13 kalahok.
“I’m glad to see him put that number up; they came to the wire together,” sambit ni Asmussen.
“Irad gave him a dream trip. The horse ran super,” aniya patungkol sa hineteng gumabay kay Creator.