Muling nakatikim ng panalo si Jason Canoy nang gapiin via unanimous decision si dating WBA-PABA bantamweight champion Jestoni Autida sa main event ng “Uptown Rumble!” nitong Sabado sa Lahug, Cebu City.

Matikas na nakihamok ang 26-anyos na si Canoy para makuha ang ayuda ng mga hurado sa iskor na 98-91, 96-94 at 96-93. Huling sumabak si Canoy noon Nobyembre 22, 2015 kung saan nabigo siya kay Hinata Maruta sa Osaka, Japan.

“Na-miss ko ang nasa itaas ng ring. Iba na rin ang kondisyon ko at tiwala naman talaga ako na mananalo ako ngayon,” pahayag ni Canoy.

Tumaas ang kumpiyansa ni Canoy nang patulugin niya si dating Interim world champion Drian “Gintong Kamao” Francisco noong Mayo ng nakaraang taon. Ngunit, agad din itong bumagsak nang talunin naman siya ni Maruta na lumaban para sa professional debut ng Japanese fighter.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“Hindi ko talaga inaasahan na mapapatulog ko si Francisco nang ganun kadali. Tumaas ang tiwala ko noon. Ilang buwan akong hindi lumaban tapos na-underestimate ko pa si Maruta. Tinalo talaga niya ko kasi mahusay siya,” aniya.

Napataas ni Canoy ang rekord sa 25-6-2, tampok ang 18 knockout, samantalang sumadsad si Autida sa 9-5 marka. - Gilbert Espena