Ni ROBERT R. REQUINTINA
Isang 21 taong gulang na mahilig sa musika mula sa Puerto Princesa, Palawan at nagsusulong sa pangangalaga sa kalupaan at paglaban sa polusyon ang kinoronahan bilang Miss Philippines Earth 2016 sa coronation night na idinaos sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City nitong Sabado ng gabi.Pinataob ni Imelda Bautista- Schweighart ang 45 kandidata mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas sa isinagawang environment-driven beauty contest. Ipinasa sa kanya ni outgoing Miss Philippines Earth Angelia Ong ang korona.
Nakatakdang irepresenta ni Schweighart ang bansa sa Miss Earth 2016 international beauty pageant na idaraos sa Maynila sa huling bahagi ng kasalukuyang taon.
Nang tanungin sa kanyang environmental advocacy, sinabi ni Schweighart na nais niyang palawigin ang pangangalaga sa mga lupain laban sa organic farming.
Ipinahayag din ng German-Filipino beauty queen ang pagnanais niyang maiangat ang kamuwangan ng mga Pilipino laban sa polusyon sa paggamit ng bisikleta.
“It’s good for the health and it will teach us the true value of living in harmony with each other.”
Sa eksklusibong panayam, isiniwalat ni Schweighart na sumasakay siya ng bisikleta mula Mandaluyong o Pasig, patungong Kagandahang Flores beauty camp sa Timog, Quezon City para sa kanyang pageant training.
Samantala, kinoronahan naman bilang Miss Philippines Air si Kiaragiel Gregorio, ng London; at sina Loren Mar Artajos, ng Laoag City, bilang Miss Philippines Water; Shannon Rebecca Bridgman, bilang Miss Philippines Fire; at Melanie Mader, ng Vienna, Austria, bilang Miss Eco-tourism.