Binuweltahan ng Malacañang ang mga kritiko ng administrasyong Aquino matapos isisi kay Pangulong Aquino ang pagtataas ng matrikula ng 304 na higher education institutions (HEI) sa bansa.

“Sana yung mga tumututol diyan, pag-aralan mabuti yung sitwasyon. ‘Wag tayong maging padaskul-daskol at mapanghusga na hindi pa naman nauunawan yung kadahilanan at yung batayan na ginamit sa pagbibigay ng tuition fee increases,” pahayag ni Presidential Communications secretary Herminio Coloma Jr.

Nagkaisa kamakailan ang mga militanteng estudyante at grupong kabataan sa pagkondena sa administrasyong Aquino dahil, anila, ang dagdag na matrikula ng 304 na paaralan ay hindi magandang paraan ng “pamamaalam.”

Subalit iginiit ni Coloma karamahin ng mga nagtaas ng tuition fee ay mga pribadong eskuwelahan, na hindi kumukuha ng subsidiya sa gobyerno, upang mapanatili ang magandang kalidad ng kanilang serbisyo.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

“Ang ano mang institusyon na naghahatid ng serbisyo, kailangan nito nang maayos na kalagayang pinansiyal para maging mainam yung mga produkto at serbisyong hinahatid nila,” paliwanag ng opisyal.

Tiniyak din ni Coloma na bago inaprubahan ang tuition fee increase, tiniyak ng Commission on Higher Education (CHED) na tumugon ang 304 na HEI sa panuntunan ng gobyerno habang patuloy na sinusubaybayan ang kanilang pagseserbisyo sa mga mag-aaral. (Madel Sabater Namit)