KAPANALIG, malaki ang dapat nating ipagpasalamat sa pagkakaroon ng yamang-dagat. Hindi lamang ito libangan at pasyalan, ito rin ay isa sa mga haligi ng ating food security o kasiguruhan sa pagkain.

Ang pangangalaga sa karagatan ay dapat bigyan ng kaukulang atensiyon ngayon sa gitna ng mga pagbabago bunsod ng climate change at water pollution. Ayon nga Oceana (isang international ocean conservation organization), ang Pakistan, Thailand, Pilipinas, Iran, at China ay pasok sa top 50 bansa kung saan nanganganib ang food security dahil sa pagtaas ng carbon-dioxide (CO2) gas emissions na nagsisimula ng magbigay ng masamang epekto sa mga isda at shellfish.

Ang epekto ng climate change sa ating mga karagatan ay napapalala pa ng mga “unsustainable” na paggamit ng mga yamang-dagat. Sa ngayon, tinatayang 98% ng Philippine reefs ay natukoy na “threatened.” At 70% dito ay high or very high risk. Ang paggamit ng dinamita at cyanide ay ilan sa mga fishing practices na sumisira sa ating mga coral reef, ang natural na tahanan ng mga yamang-dagat.

Ang dagat ay kanlungan ng ating kabuhayan at buhay. Ito ay overfished na rin ngayon. Noong 1970s, nakakahuli ang bawat mangingisda ng 20 kilos na isda kada araw. Ngayon, nasa 4.76 kilos na lamang ang kanilang ani kada araw. ‘Yong iba, mas konti pa ang nakukuha.

Ang pagkasira ng ating karagatan ay pagkasira rin ng ating buhay at bayan. Ang Pilipinas ay isang arkipelago. Ayon sa Water Environment Partnership Asia (WEPA), 60% ng mga munisipalidad at siyudad ng bansa ay coastal o nasa baybayin. Sampung porsiyento ng pinakamalalaking siyudad ng bansa ay nasa mga baybayin din. 60% naman ng kabuuan ng ating populasyon ay nakatira sa mga coastal area. Pangingisda ang isa sa pangunahing kabuhayan sa ating bayan. Ang isda rin at iba pang yamang-dagat ang isa sa mga source ng food security ng bansa. Ang seafood, kapanalig, ay pangunahing source ng protein. Sa unti-unting pagkasira ng ating mga karagatan, lahat ng ito ay nanganganib.

Panahon na upang bigyan natin ng nararapat na kalinga ang ating karagatan.Tayong lahat ay dapat tumigil na sa mga maling nakagawian, gaya ng pagtatapon ng basura sa dagat sa basura. Dapat din nating isulong ang mga sustainable fishing methods.

Turo ng Compendium of Catholic Social Teachings sa atin: “We must re-engage with our environment and take responsibility for it; live sustainably, live so that there are enough resources for everyone.”At ito naman ay sinusugan ni Pope Francis: “Small yet strong in the love of God, like Saint Francis of Assisi, all of us, as Christians, are called to watch over and protect the fragile world in which we live, and all its peoples.” Dinggin natin kapanalig, ang mga imbitasyon na ito. Nakasalalay ang ating buhay sa ating positibong aksiyon.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)