ISANG lugmok na lalaki ang ginising ng kanyang ina. “Anak, oras na para pumasok sa eskuwela,” sambit ng ina. “May dalawang dahilan kung bakit ayaw ko: Ayaw ko sa mga tao roon, and ayaw sa akin ng mga tao.”

Kinompronta siya ng kanyang ina at sinabing: “Anak, kailangan mong bumalik. Bibigyan din kita ng dalawang dahilan kung bakit: Una, 59 na taong gulang ka na, at pangalawa, ikaw ang school principal!”

Bukas na magsisimula ang mga klase sa buong mundo—pero meron din namang sa isang linggo pa. At ang mga principal, guro at estudyante ay kinakailangan nang bumalik sa eskuwelahan… gusto man nila o hindi.

Sa pagsisimula ng pasukan, hayaan ninyong magbahagi ako kung paano maging isang matagumpay na estudyante.

Noong grade school pa ako, hindi ko alam ang kahalagahan ng edukasyon. Mas gusto kong gumala kasama ang mga barkada ko—na ‘di hamak na mas masaya kaysa manakit ang puwet ko sa kakaupo sa paggawa ng takdang aralin.

Bilang resulta, umulit ako ng Grade 3. Tinawanan at inasar ako ng aking mga kaklase, tinawag nila akong “repeater.”

Noong panahong iyon, sobrang nakakahiyang bumagsak kumpara sa panahon ngayon.

Kasalanan ko kung bakit nangyari iyon at ang karanasang iyon ay naging daan para magising ako sa katotohanan.

Nangako ako sa sarili ko na hinding-hindi na uli mangyayari ‘yon.

Upang magkaroon ng pagbabago sa aking sarili, dinisiplina ko ang sarili ko na maglaan ng sapat na oras para mag-aral. Unti-unti, ako ay nagbago.

Pagtuntong ko ng Grade 6, nalipat ako sa section ng mga nangungunang estudyante sa klase. Hindi ito naging madali dahil kailangan kong makipagtagisan sa mga mahuhusay ding estudyante.

Nang magtapos ako ng high school, pasok ako sa top 10. At nang matapos ko ang MA in Philosophy, nagtapos ako bilang magna cum laude. Hindi ito pagmamayabang pero maaaring parte na ‘yon.

Ngunit ibinabahagi ko ang karanasang ito upang patunayan na lahat tayo ay may pag-asang mag-excel kahit na para sa ilan, hindi sa academics kundi sa vocational, technical course o kaya’y sa sports. Ang mahalaga lang ay kailangan nating paunlarin ang raw material na nasa ating sarili. At kinakailangan ditto ng sapat na atensiyon, oras at higit sa lahat, disiplina. (Fr. Bel San Luis, SVD)