Ibinandera ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa P13 bilyon ang halaga ng ilegal na droga na nakumpiska ng mga operasyon ng pulisya simula pa noong 2014.
Base sa datos na inilabas ng PNP Directorate for Operations, nakapaglunsad ng kabuuang 54,886 na anti-drug operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng 85,749 na katao at pagsasampa ng 71,405 kaso laban sa mga ito simula Enero 2014 hanggang Abril 2016.
“Significantly, the PNP anti-drug campaign in 2015 posted a 50.56 increase in the number of arrested violators of the RA 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act, and a 46.22 percent hike in the number of cases filed in court,” ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP.
Base sa tala, umabot sa 28,360 drug offender ang naaresto ng pulisya noong 2014 pero lumobo ito sa 42,700 nang sumunod na taon.
Ngayong 2016, iginiit ni Mayor na mas naging agresibo ang PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) sa pagtugis sa mga sindikato ng droga.
Simula Enero hanggang Abril ng kasalukuyang taon, nasa 14,689 na katao ang naaresto sa 9,904 na operasyon ng PNP.
Kabilang sa malalaking accomplishment ng PNP-AIDG ang pagkakabuwag sa shabu laboratory sa Angeles City, Pampanga noong Marso 16, na umabot sa P50-milyon sangkap sa paggawa ng droga ang nakumpiska ng awtoridad.
Noong Abril, nakumpiska rin ng pulisya ang mahigit 99 na kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P465 milyon, sa serye ng buy-bust operation sa Metro Manila. (Elena Aben)