Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na magbaon ng tone-toneladang pasensiya sa posibilidad na maging mabigat ang daloy ng mga sasakyan bunsod ng pagbubukas ng klase sa Metro Manila bukas.

“Ang sinasabi po namin ay magkakaroon ng 20 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga sasakyan, lalo na sa rush hour.

Kaya ang aming payo sa mga gagamit ng kanilang sasakyan na i-adjust ang kanilang schedule at planuhin ang kanilang ruta sa kani-kanilang destinasyon upang makaiwas sa mga paaralan sa Lunes,” payo ni MMDA chairman Emerson Carlos sa panayam sa DzBB.

Aniya, “normal” lamang ang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan tuwing nagbubukas ang klase dahil sa dami ng bumibiyahe sa lansangan.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Huwag n’yo pong asahan na ganito pa rin ang ating mararanasan sa trapik nitong nakaraang dalawang buwan dahil wala pong klase. At sa Lunes, sa pagsisimula ng klase, magdaragsaan ang estudyante sa mga paaralan. Ang dalawang sitwasyon na ito ay magkakaiba,” paliwanag ng opisyal.

Ani Carlos, hindi magtatalaga ang kanilang ahensiya ng karagdagang traffic enforcer sa mga kritikal na lugar tulad ng kanilang ginawa nitong summer break.

Sa halip, tututok sila sa mga ikinabit na closed circuit television (CCTV) camera sa kanilang pagtukoy at paghuli ng mga pasaway na motorista.

Pinayuhan din ni Carlos ang publiko na gamitin ang Mabuhay Lane bilang alternatibong ruta sa mga magtutungo sa iba’t ibang paaralan. (Rizal S. Obanil)