Lebron James (AP)

Lebron James (AP)
CLEVELAND (AP) — Nagdilang-anghel si LeBron James nang bigkasin ang katagang “do-or-die” sa sitwasyon ng Cleveland Cavaliers matapos ang magkasunod na kabiguan sa Oracle Arena.

Sa panibagong tagumpay ng Golden State Warriors sa Game Four, napipinto ang isa na namang delubyo sa kampo ng Cavaliers ngayong nakaumang sa kanilang harapan ang huling daluyong para sa kabiguan sa kampeonato.

Naghahabol sa 1-3 ang Cavs matapos makalusot sa kanilang bitag ang Warriors sa Game Four, 108-97. Sa kasaysayan ng liga, wala pang koponan ang nakabangon sa 1-3 paghahabol at nagwagi ng titulo.

Gaganapin ang Game Five sa Lunes (Martes sa Manila) sa tahanan ng Warriors – ang Oracle Arena – itinuturing na pinakamaingay na venue na pinamamahayan ng sa mga tagahanga na tinaguriang “yellow army”.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Hawak ng defending champion ang matikas na 50-3 record sa Oracle Arena ngayong season, kabilang ang unang dalawang laro sa Finals.

Higit pa sa himala ang kailangan ng Cavaliers para maisalba ang season at tuldukan ang mahigit apat na dekadang pagkagutom sa kampeonato ng lungsod.

“If you don’t think we can win, don’t get on the plane,” pahayag ni Cavaliers coach Tyronn Lue sa isang kalatas na inaasahan niyang magbibigay ng lakas ng loob sa kanyang mga manlalaro—higit kay James.

Ito ang ikapitong pagsabak sa NBA Finals ni James. Nakapagwagi siya ng dalawang titulo, ngunit sa panahon iyon ng kanyang pamamalagi sa Miami Heat.

Nagbalik siya sa Cleveland, ang koponan na kumuha at nagtiwala sa kanyang kakayahan bilang isang 18-anyos na basketball phenom, sa hangaring tuparin ang nabitiwang pangako na glorya para sa lungsod na mahabang taon nang pinagkaitan ng kampeonato sa professional team sports.

Hindi kaila kay James na siya ang ituturong salarin sa panibagong kabiguan ng Cavs, sa kabila nang pagkakaroon nang matikas na 24.7 puntos, 11 rebound at 9.3 assist sa serye.

“We’re just trying our best,” sambit ni Warriors coach Steve Kerr.

“He’s (James) a freight train out there. We have certain rules and we’re trying to follow our rules ... but no matter what you do, he’s going to have a huge stat line and he’s going to impact the game 1,000 different ways,” aniya.

May katotohanan ang pahayag ni Kerr, ngunit liyamadong muli ang Warriors para ipadamang muli kay James ang kabiguan at sa pagkakataong ito sa mas maagang pamamaraan.

Sa nakalipas na season, umabot sa Game Six ang laban ng Cavaliers sa kabila ng pagkawala nina star forward Kevin Love at point guard Kyrie Irving sa injury.

“I went with my best players in the fourth quarter ... and it didn’t work,” pag-aamin ni Lue.