NAGLABAS ng pahayag kamakailan si Archbishop Socrates Villegas, ang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, kasunod ng akusasyon ni President-elect Duterte sa mga Pilipinong obispo at pari ng pagiging ipokrito at pagkakasangkot sa kurapsiyon at pagbatikos sa Simbahang Katoliko bilang “most hypocritical institution.” Bilang tugon, pinili ni Archbishop Villegas ang “silence of Jesus before the arrogance of Pilate.”
Sa nakalipas na mga araw, tinuligsa ni President-elect Duterte ang maraming tao at institusyon, sinimulan sa mga drug lord, at naghayag pa ng pabuyang pera para sa mga makakapatay sa mga ito. May mga ulat din na mismong ang mga drug lord ay nag-alok ng sarili nilang pabuya laban kina Duterte at kay incoming Philippine National Police (PNP) chief, Chief Supt. Ronaldo dela Rosa.
Nagbabala ang halal na pangulo sa tatlong heneral sa PNP na magsipagbitiw na sa tungkulin ngayon pa lang kung ayaw nilang ibunyag niya ang umano’y kaugnayan nila sa ilegal na droga na magdudulot ng kahihiyan sa kanila. Sinabi ni PNP chief Director General Ricardo Marquez na walang ebidensiyang natukoy laban sa tatlong heneral kasunod ng imbestigasyon sa mga ito.
Nang tanungin sa magiging hakbangin kaugnay ng pagpaslang sa mga mamamahayag, sinabi ng halal na pangulo na hindi dapat na umasa ang mga mamamahayag ng espesyal na proteksiyon sa gobyerno kung tiwali ang mga ito, na umani ng batikos hindi lamang mula sa mga Pilipinong mamamahayag kundi maging sa mga opisyal ng United Nations na nagsabing hindi kailanman mabibigyang katwiran ang pagpatay sa mga mamamahayag o sa sinumang tao. Mismong si UN Secretary General Ban Ki-Moon ay kinondena ang masasabing pag-endorso ni Duterte sa extra-judicial killings.
Sinabi ni President-elect Duterte na hindi na siya magbibigay ng anumang panayam hanggang sa matapos ang kanyang termino. Ang anumang opisyal na pahayag niya ay idadaan sa himpilan ng telebisyon ng gobyerno, ang PTV 4.
At hindi pa niya pormal na nasisimulan ang kanyang termino.
Mayroong bersikulo sa Bibliya, sa aklat ni Ecclesiastes sa Lumang Tipan, na nagsasaad: “There is a time for everything, and a season for every activity under the heavens; a time to be born and a time to die; a time to plant and a time to uproot; a time to kill and a time to heal….” Nakasaad din dito, “a time to be silent and a time to speak.”
Naniniwala si Archbishop Villegas na ito ang panahon ng pananahimik. “There is virtue in silence. There is virtue in speech. Wisdom is knowing when it is time for silence and when it is the time for speech,” aniya. Nakalulungkot lang na sisimulan ni President-elect Duterte ang kanyang administrasyon nang batbat ng kontrobersiya at kritisismo dahil sa kanyang mga pahayag at gawi. Pinakamainam marahil para sa lahat ng kinauukulan ang pumirme, pigilan ang anumang pag-atake at puna, at piliing manahimik, habang pinahihintulutan na ang mga gawi ang magpahayag ng dapat maipabatid.