MULING nagbigay karangalan sa bansa ang GMA Network sa iniuwi nitong apat na medalya at pitong certificates mula sa 2016 US International Film & Video Festival para sa iba’t ibang News and Public Affairs at Entertainment programs nito. GMA lamang ang nag-iisang TVnetwork mula sa Pilipinas na nanalo sa nasabing festival ngayong taon.
Nanguna sa mga nagwagi ang Alamat at Reel Time na parehong Best of Festivals nominees at Gold Camera awardees.
Nakakuha ng Gold Camera Award in the Entertainment: Children category ang kauna-unahang Pinoy animated anthology series na Alamat para sa episode nitong Alamat ng Bayabas. Ang groundbreaking show na ito ang unang pagsabak ng GMA sa paggawa ng full animation series. Unang ipinalabas noong nakaraang taon, binibigyang-buhay ng Alamat ang ilang alamat at kathang Pinoy kung saan tampok ang boses ng iba’t-ibang Kapuso personalities. Kasalukuyang nasa ikalawang season na ang Alamat.
Samantala, ang documentary program ng GMA News TV na Reel Time ay nakatanggap ng Gold Camera Award sa ilalim ng Public Affairs Programs category para sa episode nitong “Isang Paa sa Hukay”. Ang documentary ay tungkol sa small-scale mining sa Camarines Norte kung saan ang mga bata ay walang takot na sumisisid sa burak at malalim na hukay gamit ang isang air compressor para makahanap ng maliliit na piraso ng ginto.
Ito na ang ikatlong international award ng programa ngayong taon para sa “Isang Paa sa Hukay”. Kamakailan, nagwagi itongBest Program on Promoting Children Rights sa ilalim ngHumanity category sa ginanap na Asia-Pacific Institute for Broadcasting Development (AIBD)’s World Television Awards. Inuwi rin nito ang bronze award sa ilalim ng Human Concerns category sa nakaraang New York Festivals.
Ginawaran naman ng Silver Screen Award sa ilalim ngDocumentary Programs: Biography category ang nangungunang documentary program na I-Witness para sa “Kawayang Pangarap”. Sa docu, sinundan ni Kara David ang araw-araw na pagsasakripisyo ng isang pamilyang Aeta na nagbebenta ng kawayan upang mapagtapos ng pag-aaral ang lahat ng mga anak.
Nanalo rin ng Silver Screen Award sa Public Affairs categoryang investigative public affairs program na Reporter’s Notebookpara sa episode nitong “Hikbi sa Ibayong Dagat”.Inimbestigahan nina Maki Pulido at Jiggy Manicad ang kalagayan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong na patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng kanilang malubhang karamdaman. Kapag kasi umuwi sila ay mawawalan sila ng trabaho at kailangan nilang harapin ang malaking gastusin ng pagpapagamot dito sa Pilipinas.
Nag-uwi rin ang GMA ng pitong certificates para sa ibat-ibang News and Public Affairs at Entertainment TV programs nito.
Ang mga News and Public Affairs show na Brigada (“Para sa Pangarap”), Front Row (“Maestra Salbabida”), at Investigative Documentaries (“Gutom”) ay tumanggap ng tig-iisangCertificate for Creative Excellence sa ilalim ng Social Issues category. Certificates for Creative Excellence in the Docudrama category naman ang inuwi ng Karelasyon (“Tres Rosas”) atWagas (“Gabriela and Diego Silang Love Story”).
Samantala, ang mga GMA ETV program na “Pepito Manaloto” at “Idol sa Kusina” ay ginawaran ng Certificates for Creative Excellence sa ilalim ng Cooking at Comedy categories.
Mula pa noong 1967, kinikilala na ng US International Film & Video Festivals ang mga natatanging corporate, education, entertainment, documentary, at student production.