NEW YORK (AP) — Naghain ng kaso ang isang independent filmmaker laban kay Beyonce nitong Miyerkules na nag-aakusa na ang mga ideya mula sa kanyang 2014 short film ay ginamit sa trailer ng album Lemonade.
Ayon sa reklamong inihain ni Matthew Fulks, ang kanyang 2014 short film, Palinoia, ay napanood ng ilang miyembro ng team na bumubuo sa Lemonade video at ang video ni Beyonce ay binuo makalipas ang ilang buwan at ito ay “visually similar.”
Inakusahan ni Fulks, na nakatira sa Louisville, Kentucky, ang pop singer at ang management company nitong Parkwood Entertainment, Sony Music Entertainment at Columbia Recording Corporation, na lumabag sa copyright law.
Ang kaso, inihain sa U.S. District Court sa Manhattan, ay nagpahayag ng siyam na pangyayari — nasa 39 na segundo ng 65 segundong trailer — na nagsasabing parehong-pareho ang kanyang short film sa Lemonade trailer. At naniningil si Fulk ng kabayaran.
Ang Lemonade trailer ay “substantially similar” sa pelikula ni Fulks, kabilang na ang mood, setting, pace and fonts, pahayag niya sa kasong inihain.
Ang video, ibinahagi sa YouTube noong Abril 17, ay umani ng halos 11 million views noong Miyerkules ng hapon.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga tagapagsalita ni Beyonce at ang mga kumpanya nang hingan ito noong Huwebes.