Isang Army colonel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napatunayang nagkasala sa seksuwal na pang-aabuso noong 2011 sa isang 18-anyos na babaeng kaibigan ng kanyang anak na kinuha niya bilang kanyang part-time secretary.
Sa 17-pahinang desisyon, napatunayan ng Sandiganbayan Second Division na guilty si Col. Noel Miano sa paglabag sa Republic Act 7870 (Anti-Sexual Harassment Act of 1995).
Hinatulan ng anti-graft court si Miano ng anim na buwang pagkakabilanggo at pinagmumulta ng P20,000.
“As an officer and a gentleman, the accused was expected to accord courtesy and respect to everyone, even to a person young in years as the complainant who, to aggravate the situation, was even his daughter’s classmate,” saad sa desisyon na isinulat ni Chairperson Teresita Diaz-Baldos at pinagtibay nina Associate Justices Napoleon Inoturan at Michael Frederick Musngi.
“He, however, failed to observe such basic norms and gave in to his worldly yearnings,” anang korte, binigyang-diin na “the positive statements given by the complainant far outweigh the denial made by the accused.”
Ayon sa court records, si Miano—na noon ay commanding officer ng Munition Control Center sa Camp Aguinaldo—ang nag-alok sa dalaga upang magtrabaho sa kanya bilang part-time secretary at sinusundo pa ang una sa gate ng kampo sa pagpasok sa trabaho.
Noong Marso 18, 2011, sinamahan ng dalaga si Miano sa Lucena City para sa isang kumperensiya sa Southern Luzon Command sa Camp Nakar.
Habang nasa Lucena, nagtungo sila sa Pacific Mall at habang nasa loob ng sasakyan sa parking lot ay hinalikan ni Miano sa batok ang dalaga at hinawakan sa mga binti at sa dibdib. (JEFFREY G. DAMICOG)