PALO, Leyte – Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Health (DoH) sa Eastern Visayas na nakabase rito sa pagpapatuloy ng diarrhea outbreak sa ilang munisipalidad sa Samar at Eastern Samar.

Sinabi ni DoH-Region 8 Director Minerva Molon na tinutugunan na ng kanyang tanggapan ang outbreak sa tulong at suporta ng mga lokal na opisyal at mga non-governmental organization sa dalawang lalawigan.

Ayon kay Molon, napaulat ang mga kaso at pagkamatay sa diarrhea sa Catbalogan City, Calbiga, at Pinabacdao.

Nagsasagawa rin ng monitoring, aniya, ang kagawaran sa mga naitalang kaso ng pagtatae sa Sta. Margarita, Gandara at Zumarraga, pawang sa Samar.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, may mga naiulat ding kaso sa tatlong bayan sa Eastern Samar at isinisisi ang outbreak sa kontaminadong inumin at kawalan ng kalinisan.

Karamihan sa mga nasawi ay bata, ayon kay Molon.

Sinabi naman ni DoH-8 Regional Epidemiologist Boyd Cerro na bukod sa 34 na kataong namatay sa diarrhea, mayroon pang 2,947 ang ginagamot ngayon sa mga ospital dahil sa outbreak. (NESTOR L. ABREMATEA)