Nasa 18,000 katao sa 21 barangay sa mga bayan ng Juban at Casiguran sa Sorsogon ang apektado sa pagsabog ng Mt. Bulusan nitong Biyernes.
Napag-alaman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Casiguran na tinatayang 2,000 pamilya mula sa 16 na barangay ang naapektuhan ng pagsabog ng Bulusan.
Ipinagbabawal na ang pagpasok ng mga residente sa four-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil na rin sa mga aktibidad ng bulkan.
Habang nasa 3,575 residente ang naapektuhan sa limang barangay sa Juban, ayon sa ulat na natanggap ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) mula sa MDRRMC.
Tahimik na ngayon ang Bulusan matapos ang pagsabog ng makapal na abo simula nitong Biyernes ng umaga.
Dahil dito, nakaalerto na ang mga volunteer at ang MDRRMO sa nasabing mga bayan upang agad na magpatupad ng evacuation sa mga residente sakaling makitaan muli ng abnormalidad ang Mt. Bulusan. (JUN FABON)