NABIGO ang huling pagtatangkang pawalang-bisa ang pagbasura ni Pangulong Aquino sa panukalang P2,000 Social Security Pension sa huling araw ng Ikalabing-anim na Kongreso nitong Lunes ng gabi. Ibinasura ng kapulungan, sa pamamagitan ng voice vote, ang resolusyong inihain ng kinatawan ng party-list na si Neri Colmenares upang mapawalang-bisa ang veto. Tinanggihan naman ng mga pinuno ng Kamara ang apela para sa nominal vote, sinabing wala na rin itong saysay dahil nagsara na ang Senado.
Matatandaang umani ng suporta at inaprubahan ng Kamara ang panukalang magdadagdag sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng SSS, ngunit ibinasura ito ni Pangulong Aquino dahil masasaid umano nito ang pondo ng SSS. Naging usapin pa ito noong eleksiyon, matapos igiit ng kampo ng oposisyon na ipinakikita ng veto ang kawalang malasakit ng administrasyon sa mga karaniwang mamamayan, gaya ng mga pensiyonado ng SSS.
Taliwas dito, determinado naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na suportahan ang panukala sa susunod na Kongreso. Sinabi niyang dapat na magpakita ang gobyerno ng higit na malasakit sa mga retiradong manggagawa sa gobyerno at sa pribadong sektor. Ang kasalukuyan nilang buwanang pensiyon ay hindi sapat sa panggastos nila sa pagpapagamot pa lang, aniya. Posibleng dahil sa pagpapakitang ito ng pag-aalala sa karaniwang tao, kasama na ang ipinangako niyang pagbabago, kaya napanalunan ni Duterte ang presidential election.
Muling ihahain ang SSS pension bill sa Ikalabimpitong Kongreso, na magsisimula sa susunod na buwan, na isang koalisyon ng mga kongresistang sumusuporta sa mga programa ng gobyerno ni President-elect Duterte ang namamayagpag sa bagong Kamara de Representantes. Mas mabilis nang maaaprubahan ang P2,000 SSS pension bill, sa pagkakataong ito ay wala nang pangambang maibabasura itong muli.
Kumpiyansa rin ang bagong Senado na agad ding maaaprubahan ang SSS pension bill, gayundin ang isang panukala sa reporma sa buwis. Tinanggihan din ng administrasyong Aquino ang panukalang income tax reform sa Senado, ngunit sumang-ayon si incoming Finance Secretary Carlos Dominguez na suportahan ang panukalang ito.
Inaasahan natin ang malalaking pagbabago sa Ikalabimpitong Kongreso, at ang dalawang panukalang ito—ang SSS pension bill at ang tax reform bill—ay dapat na mapabilang sa mga unang panukalang batas na pagtitibayin. Bibigyang-diin ng mga ito ang pagbabagong ibinoto ng mamamayan sa nakalipas na halalan.