Determinado ang pamilya ng tatlo sa limang namatay sa 2016 Close Up Forever Summer concert na maghain ng class suit laban sa mga organizer at sponsor ng event.
Sinabi ni Atty. Jose Cabochan, abogado ng pamilya ng mga biktimang sina Bianca Fontejon, Ariel Leal, at Ken Miyagawa, na nagkasundo sila na panagutin ang mga nasa likod ng pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay matapos silang magkaharap-harap sa tanggapan ng National Bureau of Investigation-Death Investigation Division (NBI-DID) kahapon.
Bagamat naniniwala si Cabochan na malakas ang ebidensiya na may pananagutan ang mga sponsor at event organizer sa insidente, sinabi ni Atty. Ariel Radovan na malaki ang posibilidad na maghahanda ang mga ito ng legal defense upang palabasin na tumalima ang mga ito sa lahat ng patakaran hinggil sa seguridad at kaligtasan ng mga concert goer.
Iginiit ni Radovan na hindi nila puntirya ang mga drug pusher na nagbenta ng droga sa concert.
Sa halip, sinisi ni Radovan ang event sponsors dahil sa pagkabigo umano ng mga ito na isumite ang mahahalagang dokumento hinggil sa mga kontrata sa pagsasagawa ng concert matapos mangyari ang pagkamatay ng limang katao.
Samantala, sinabi ni Radovan na bagamat idineklara na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na walang nakalap na ebidensiya na magpapatunay na nagkaroon ng bentahan ng droga sa concert venue, isusulong pa rin ng pamilya ng biktima ang hiwalay na imbestigasyon ng NBI-DID. (Argyll Cyrus B. Geducos)