Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na susuriin at beberipikahing maigi ng komisyon ang mga isinumiteng Statement of Contribution and Expenses (SOCE) ng mga kumandidato sa nakalipas na halalan.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, aalamin nila kung nagsabi ng katotohanan ang mga kandidato sa kanilang mga SOCE at kung sumunod ba ang mga ito sa itinatakda ng batas.
Partikular na bubusiin, aniya, ng poll body ang mga natanggap na kontribusyon at mga pinagkagastusan ng mga kandidato noong kampanya.
Nagbabala rin si Bautista na pabababain sa puwesto ang mga mapapatunayang nag-overspending noong campaign period, gaya ng nangyari kay dating Laguna Gov. ER Ejercito.
Sinabi rin ni Bautista na sinumang nais na magbusisi sa mga SOCE ay pagbibigyan ng Comelec dahil public documents naman ang mga ito.
Itinakda ang deadline nitong Hunyo 8, batay sa Comelec Resolution No. 9991, ang mabibigong maghain ng SOCE sa itinakdang panahon ay pagmumultahin ng P30,000 sa unang paglabag at P60,000 sa ikalawang paglabag at posible ring hindi na pahintulutang kumandidatong muli.
Sa mga presidentiable, tanging ang pambato ng administrasyon na si Mar Roxas ang hindi nakapagsumite ng SOCE, at humiling ito ng karagdagang 14 na araw para maisumite ang nasabing dokumento.
Hindi naman inisyuhan ng Comelec ng Certificate of Compliance si Senator Franklin Drilon, na nanguna sa mga nanalong senador, matapos mapansing may formal defects ang kanyang SOCE. (Mary Ann Santiago)