Libu-libong trabaho, libreng sakay sa MRT at LRT, at walang bayad na serbisyong medikal sa mga medical mission ang kabilang sa mga aktibidad na iaalok sa publiko sa paggunita ng bansa sa Araw ng Kalayaan bukas.

Inihayag ng Malacañang ang mga detalye ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan na pangungunahan ni Pangulong Aquino, at hinihikayat ang publiko na makiisa sa mga aktibidad.

May temang “Kalayaan 2016: Pagkakaisa, Pag-aambagan, Pagsulong”, ito ang huling selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ni Aquino bilang Pangulo dahil opisyal nang magtatapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.

Sinabi ni Secretary of the Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma na pangungunahan ng Presidente ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Dr. Jose P. Rizal sa Maynila dakong 8:00 ng umaga. Pagkatapos nito ay magtatalumpati ang Pangulo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Magdaraos din ng commemorative rites sa Kawit sa Cavite, Malolos sa Bulacan, Angeles sa Pampanga, Davao City, Cebu City, at sa ilang bahagi ng Metro Manila.

Ayon kay Coloma, naglatag din ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ng iba’t ibang aktibidad para sa selebrasyon hanggang bukas, kabilang ang Balik-Tanaw cultural heritage tour sa Pasig River, mga cultural performance sa Paco Park at Rizal Park, magkakasabay na job fair sa iba’t ibang panig ng bansa, mga trade fair, at mga public exhibit.

Nasa 15,000 trabaho sa ibang bansa at 7,000 lokal ang iaalok ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa nationwide job fair. Magsasagawa naman ang Department of Health (DoH) ng libreng serbisyong medikal, dental at optical.

Libre rin ng sakay sa MRT at LRT ngayong Linggo, 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, at 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi, gayundin sa Pasig River Ferry, simula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. (GENALYN D. KABILING)