HUNYO ang popular na buwan para sa kasalan. Ayon sa isang lumang paniniwala, masuwerteng magmartsa patungo sa altar sa araw na bilog ang buwan, at ang pagpapakasal sa isang araw na maaliwalas at matindi ang sikat ng araw, na karaniwang tanawin kapag Hunyo, ay may katumbas na magandang kapalaran para sa mag-asawa. Ang Hunyo, ang ikaanim na buwan sa Gregorian calendar, ay itinuturing na masuwerteng buwan—maganda ang panahon, naggagandahan ang mga bulaklak, maraming magagandang hardin ang maaaring pagdausan ng seremonya, at mas maraming mapupuntahan para sa honeymoon. Tinatawag din itong buwan ng kasaganahan dahil sa panahong ito sagana ang mahuhuling isda sa dagat, maberde ang kagubatan, at hitik sa pananim ang mga bukirin.

Sa Pilipinas, gayundin sa United States at Canada, Hunyo ang paboritong buwan para magpakasal, na mas maraming kasalan ang idinadaos kumpara sa ibang mga buwan ng taon. Ang romantikong tradisyon ng pagpapakasal ng Hunyo sa Pilipinas ay impluwensiya ng mga Amerikano, na ang mga gurong Thomasite ay nagpapakasal sa mga kapwa nila Amerikano o dinadala rito sa bansa ang kani-kanilang kasintahan para magdaos ng summer wedding sa Pilipinas.

Ang Hunyo ay hudyat din ng pagtatapos ng tagtuyot sa bansa, at madidiligan na ng ulan ang bitak-bitak na lupa—na lubhang katanggap-tanggap matapos ang isang mahaba at maalinsangang tag-init. Ang ulan ay dapat na masuwerte para sa mga kasalang Pinoy dahil pinaniniwalaang naghahatid ito ng magandang kapalaran at kaligayahan sa bagong kasal sa buong panahon ng kanilang pagsasama. Ang mga rosas, na karaniwan nang ginagawang wedding bouquet, ay namumulaklak tuwing Hunyo, at rosas ang bulaklak na simbolo ng pag-ibig.

Itinatampok sa social media, mga magasin, mga pahayagan, at mga broadcast network ang naggagandahang Pinay bride suot ang nakamamangha sa gandang mga gown, gayundin ang mga tradisyon at pamahiin na iniuugnay sa kasalang Pinoy.

Ang tradisyon ng June bride ay nagsimula noong panahon ng mga Romano at batay sa June 1st Festival na nagdiriwang sa pagpapakasal ng Jupiter at ni Juno, ang diyosa ng pagpapakasal at pagsisilang ng sanggol. Pinipili ng kababaihan noong ika-15 siglo na magpakasal ng Hunyo dahil kasabay nito ang kanilang “taunang pagligo”. Noong sinaunang panahon, ang regular na paliligo ay hindi itinuturing na pangangailangan at ginagawa lamang isang beses sa isang taon at karaniwang itinatakda sa pagsisimula ng Hunyo. Matapos ang taunang pagligo, maraming pareha ang nagpapakasal dahil ang mga bride ay mabango, ngunit para hindi mapahiya, nagbibitbit ang mga bride ng bungkos ng mga bulaklak.

Ito ang pinagsimulan ng pagbibitbit ng bouquet sa pagmamartsa patungo sa pakakasalan. Noong ika-16 na siglo lamang naging tradisyon sa mga babaeng ikakasal ang pagsusuot ng puting damit, bilang simbolo ng kadalisayan, at nananatili ang tradisyong ito hanggang ngayon.