ITINAAS sa high alert status ng Department of Health (DoH) 7 ang Central Visayas matapos tumaas sa 159 percent ang kaso ng dengue sa nasabing rehiyon, kumpara sa mga nakalipas na taon, ayon sa ulat ng Philippines News Agency (PNA).

Nitong Hunyo 4, aabot sa 5,728 kaso at 46 na ang naitalang namatay dahil sa dengue, ayon kay Dr. Shelbay Blanco, DoH 7 Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) at Health Emergency Management Services (HEMS) program manager.

Habang aabot lamang sa 2,212 kaso at 9 na katao ang namatay dahil sa dengue noong nakaraang taon.

Sinabi ni Blanco na maaaring isa sa mga dahilan kung bakit tumataas ang bilang ng kaso ng dengue sa Central Visayas ay ang posibilidad na ang aedes aegypti mosquito ay maaari nang magparami sa iba’t ibang lugar kung saan hindi ito madalas pagmulan gaya ng maruming tubig.

Napansin din ni Blanco na karamihan sa mga kaso ay tumaas kahit sa kasagsagan ng El Niño, na nagpapatunay na maaari nang dumami ang lamok kahit panahon ng tag-init.

“Before, it only thrived in rainy season. Now, it thrives even in summer,” sambit ni Blanco.

Siniguro ni Blanco ang agarang-aksiyon ng DoH sa pagbili ng dengue vaccines na ipamamahagi sa Central Visayas sa huling bahagi ng taon.

Matapos magsagawa ng pilot testing ng DoH sa Luzon, ang Central Visayas na ang isa sa mga prayoridad na rehiyon para mabigyan ng Dengvaxia vaccine.

Sinabi ni Blanco na kapag handa na ang pagpapamigay ng dengue vaccine, libre itong ipamimigay sa mga Grade 4 student mula sa mga pampublikong paaralan.