Hindi gaanong nagpapahalata, subalit may posibilidad na hindi rin sisiputin ni President-elect Rodrigo Duterte ang sarili nitong inagurasyon.
Sinabi ni 1-BAP party-list Rep. Silvestre Bello III, ang incoming Department of Labor and Employment (DoLE) secretary, na hindi maaapektuhan ang paghawak ni Duterte sa panguluhan kung hindi man ito dadalo sa kanyang inagurasyon sa Hunyo 30.
Ayon kay Bello, hindi si Duterte ang tipo na makikilahok sa magagarbong programa at seremonya.
Nilinaw ni Bello, dating Justice secretary at solicitor general, na hindi inoobliga ng konstitusyon ang matapang tough-talking na si “Digong” na dumalo sa inagurasyon nito kasama si Pangulong Benigno S. Aquino III.
“He might even opt to skip the traditional “salubong” in Malacañang with the outgoing President because that would not affect the legality of his proclamation,” sabi ng congressman sa isang pahayag.
“He doesn’t want to burden the lives of ordinary people from the expected traffic jams if the event will be held at Luneta. The people can expect a short and very simple ceremony as if it was an ordinary day,” sabi ni Bello, idinagdag na “simple and modest” lamang si Duterte.
Una nang hindi sinipot ni Duterte, 71, ang proklamasyon ng national board of canvassers sa kanya bilang president-elect noong Mayo 30. Pinili nitong manatili sa Davao nang araw na iyon at halos doon nananatili matapos ang halalan.
Binanggit ni Bello ang Republic Act 10755, pangunahing inakda ni Camarines Sur Rep. Salvio Fortuno, na nagbibigay ng kapangyarihan sa incumbent barangay chairman na pangasiwaan ang panunumpa sa puwesto ng sinumang public official, kabilang na ang chief executive. (ELLSON QUISMORIO)