Malaki ang naitulong ng mga bagong oportunidad sa informal employment sector sa pagbaba ng bilang ng walang trabaho sa bansa, ayon sa huling Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Base sa April 2016 LFS report, inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na bumaba ang unemployment rate sa 6.1 porsiyento o 2.59 milyon ng nasa 42.4 milyong trabahador sa bansa.

Ito ay mas mababa kumpara sa 6.4 percent unemployment rate noong 2015, na hindi kabilang sa datos ang mga walang trabaho sa Leyte, na nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013.

Ayon sa preliminary analysis ng DoLE sa LFS, iniuugnay ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang pagbaba ng unemployment rate sa pagdami ng “low quality” job opportunity nitong Abril.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“It means more are getting their jobs but the quality of jobs of workers have yet to improve...it is likely increase in jobs created are in the informal sector,” paliwanag ni Baldoz.

Kabilang sa mga itinuturing na “informal employment sector” ang mga pagbugsu-bugso ang dating ng trabaho o kontrata.

Aniya, malaking tulong dito ang eleksiyon nitong Mayo 9, na marami ang nagkaroon ng trabaho ngunit pansamantala lamang.

Samantala, bahagya ring tumaas ang employment rate sa 93.9 na porsiyento (39.9 milyon) mula sa 93.6 na porsiyento (39.1 milyon) sa kahalintulad na panahon noong 2015.

Habang ang underemployment rate ay tumaas nang matindi sa 18.4 na porsiyento (17.3 milyon) kumpara sa 17.8 porsiyento (6.9 milyon) sa kahalintulad na panahon noong 2015. (SAMUEL P. MEDENILLA)