Tuluyan nang nawalan ng saysay ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pork barrel scam at sa US$81-million Bangladesh bank fraud matapos na hindi ito umabot sa deadline sa pagsusumite ng committee report.
Ayon kay outgoing Senate President Franklin Drilon, sarado na ang Kongreso nang isumite ang committee report sa Bills of Index ng Senado kaya sa usaping teknikal ay nawalan na ng saysay ang imbestigasyon ng komite ni Sen. Teofisto Guingona III.
Magugunita na ang pork barrel scam ang nagbunsod upang makulong sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla, Jr., at ang umano’y kasabwat ng mga ito na si Janet Lim Napoles.
Isa sa mga rekomendasyon ng komite ay ang pagbawi sa lisensiya ng mga abogadong sangkot sa eskandalo at pagsasampa ng kaso sa ethics commitee laban sa tatlong senador.
Nabatid din na dalawang taon nang nakahanda ang committee report sa pork barrel pero hindi naman ito isinumite ni Guingona. (Leonel Abasola)